Biyernes, Marso 20, 2015

Mga di malilimutang karanasan, sa isip buhay na buhay...

"Isang taon na naman ang lumipas..."Ito ang kadalasan nating sinasabi kapag magtatapos na ang klase. Ngunit mas maganda sana kung ganito ang ating sasabihin "Isang taong puno ng ala-ala't di malilimutang karanasan na naman ang dumagdag sa mga babaunin ko sa aking pagtanda..."

Ang mga karanasan at ala-ala, iniingatan yan, dahil iyan lang ang tanging babaunin mo na kahit kailan hindi mamatay at mananatiling buhay sa memorya mo sa iyong pagtanda. Masaya ako dahil may isesave na naman akong panibagong files sa usb ko. Ang usb ay utak ko at ang files ang memories na baon ko. Kaya naman ngayon, ako ay maglalahad ng mga karanasan ko. Karanasan na hindi ganuon kadaling makalimutan...

Bilang isang mag-aaral, di natin maiiwasan ang magpagod at maglaan ng oras sa mga bagay na pinapagawa sa atin. Proyekto, takdang aralin at iba pang mga gawain. Biruin mo na ang mga simpleng gawaing ito ang nagpapahirap sa akin. Mahirap kung sa isang araw, sabay-sabay ang mga asignaturang ito na nagbigay ng takdang aralin, sabihin mo mang madali lang iyan, iyan naman ang uubos sa lakas at oras mo dahil sa dami. . Halos ito nalang ang ginagawa ko sa maghapon pag-uwi ko pa lang ng bahay, at palagi na lamang late matulog sa gabi. Wala pang araw sa buong taon na ito na hindi ako nag-internet. Ang lahat ng takdang aralin at mga gawain namin ay nakakunekta sa internet. Moderno na nga ang ating panahon, ika nga nila, lahat ng bagay sa mundo at mga nais mong malaman ay “googable” na, totoo naman kasi. Ako naman itong palaging pinagagalitan ng aking nanay dahil hindi na daw ako nakatutulong sa mga gawaing bahay dahil kaliwa’t kanan ang mga gawain sa Paaralan at mga dapat ipasa, mga dapat naming pag-aralan at dapat asikasuhin…
Wala naman akong magagawa tungkol dito dahil ito ang katotohanan ng buhay-estudyante.

Lagi rin kaming nakakaingkwentro ng gawain na pangkatan. Hindi basta bastang pangkatan iyon dahil ito ay nangangailangan ng masugid at maayos na preparasyon. Ang akala ko noon, ang isang proyekto ay mas madali kung isang grupo ang gagawa, ngunit nagkamali ako dahil mas mahirap pala pag pangkatan, mas lalong napapatagal. Kung pangkatan kasi, lagi tayong aasa sa mga may alam, sa mga pursigido na matapos ang proyekto at sa mga estudyante na may pagkukusa at pagmamahal sa ginagawa. Nasaksihan ko ito noong ako ang lider/direktor ng aming short film sa Filipino pati na rin sa movie na proyekto namin sa Mapeh. Ako na Direktor, ako na Scriptwriter, ako pa camera women,!Kulang na lang talaga ako na rin ang mag-aktres eh! Ito ang mahirap pag nagkakaroon tayo ng ganito kalalaking mga proyekto. Shoot dito, shoot doon! Na tipong magtataka na lang ang mga magulang namin, kailan pa kami naging aktres? Teka estudyante lang kami diba? Umabot pa sa punto na ako ay nagkasakit dahil masyado ko nang pinahihirapan ang sarili ko. Dahil sa karanasan kong ito, natutunanko na… Ang magsakripisyo pala ng sobra ay hindi maganda, dahil sa dulo ikaw ang kawawa. Di mo alintana kung ano ang mangyayari sa iyo dahil ang tunguhin mo ay para sa kabutihan ng iyong grupo. Sa totoo lamang, maganda naman ang ganitong mga proyekto dahil nadedevelop ang aming acting skills at kakayahan sa pamumuno. Ngunit nakadenpe nga lang iyon sa mga estudyante, kung lahat ay magtutulungan, e di mas maganda ang kalalabasan. Kapag naman hindi, may di pantay na dibisyon sa gawain ang nagaganap…

Isa din sa mga bagay na nagpalungkot sa akin ay ang katotohanan na sa buong markahang ito, ni hindi man lang ako nakapasok sa top 10 kahit na isang beses. Palagi lang akong nasa top 15 ganun. Hindi ko alam kung ano ang dahilan at biglang nagbago ang lahat. Marahil ay walang nagbago, di ko lang siguro matanggap sa sarili ko na ganito ang kinahinatnan ko. Sabi nga nila, mas mahirap daw kung nasimulan mong ikaw ay nasa taas at biglang lumagapak, kaysa sa nasimulan mo sa paglagapak kaysa sa lumipad papataas. Lahat naman ng nangyayari sa ating buhay ay may dahilan, kaya’t hindi ko dapat ito ikabahala dahil alam kong may plano ang Diyos sa aking buhay na lubos kong ikagagalak. At walang ibinigay na pagsubok ang Panginoon na hindi natin kakayanin, masaya na ako ngayon dahil ako ay kabilang sa top 15 J

Sa lahat ng kadramahang iyan, pumunta naman tayo ngayon sa mga masasayang karanasan. Sabi nila, ang High School life daw ay punong-puno ng thrill. Ang High School daw ang da-best stage sa pag-aaral ng isang estudyante. At ngayon pa lang, napatunayan ko na iyon kaagad di pa man ako nakatutuntong ng Kolehiyo. Sa kabila ng hirap at pagod na nararanasan ng isang estudyante, tanggal lahat yan makasama mo lang ang iyong mga kaibigan. Sila ang mga kaibigan na handa kang patawanin at tulungan kapag may problema. Di ko malilimutan ang malalakas na tawanan sa aming klase, mga nakakakilig na pagkakataon kasama ng iyong crush, mga nakakokonsensyang mga gawain ng isang estudyante tulad ko na bigla mo na lang marerealize sa dulo na mali pala iyon. Masaya ako pag nakakukuha ako ng mataas na marka sa takdang aralin at mga gawain sa bawat asignatura. Pag ako ang pinakamataas sa Periodical Test. Pag nananalo ako sa mga Contest sa School at sa Division. Pag pinupuri ako ng aking mga guro at natutuwasila sa aking performance. Pag ako ay nakagagawa ng mga bagay-bagay na nagbibigay katuwaan sa akin.

Kung may ulan, syempre may araw. Kung may marumi, dapat may malinis. Kung may dilim, meron din namang liwanag. Masaklap ang buhay kung puro kalungkutan lang at problema, wala rin namang thrill ang buhay kung puro kasiyahan lang. Hindi masarap kung puro kape lang, o kung puro gatas lang. Dapat kombinasyon ng dalawa. 







Huwebes, Marso 19, 2015

Ang noo'y kinaiinisan, ngayon ay kinagigiliwan na! Iyan ang K-12...

Noong una, inis na inis ako sa balitang kami ang unang makakalanghap ng hangin ng K-12. Wow fresh diba! Eh ang tanong, gusto ba lahat ng fresh air kung mapupurga ka naman nun? Gusto ba lahat ng fresh air kung ganun naman kamahal ang babayaran? Hay, napabuntong hininga na lamang ako dahil gulong-gulo na talaga ako, ano ba ang pinasok ng Pamahalaan sa sistema ng Edukasyon. Bakit may dagdag pang dalawang taon? Excited pa naman akong mag- College...


Ngunit ngayon, nabago ang lahat. Unti-unti kong naunawaan ang sistema ng K-12. At alam kong lahat ay mapapahanga at mabibilib dahil sa napakagandang layunin ng K-12 para sa aming kabataang Pilipino. Layunin nito na lahat ng ating kabataan ay maging produktibong bahagi ng ating lipunan na makatutulong sa pag-unlad ng Bayan. Maaari ka nang makapagtrabaho agad matapos mo lang ang Grade 11 at 12 kung di mo kayang makapagpatuloy sa kolehiyo, at kung may pangarap ka talaga sa buhay at gusto mong maging propesyunal, ang K-12 ang tutulong sayo upang ihanda ka sa nais mong kurso sa kolehiyo. Hindi ka papasok na walang armas pagdating sa gera dahil pinabaunan ka na ng K-12! O diba, napakagandang hangarin nito sa ating mga kabataan!


Nakalulungkot nga lang isipin na marami ang nagsasabi na ang K-12 ay isang napakalaking hadlang para sa mabilis na pagkamit ng pangarap ng ating mga kabataan... Ngunit hindi iyon ganoon...

Unang una, walang pangarap na hindi madaling abutin, at lahat ay pinaghihirapan. Kaya't papaano naman nating masasabi na sa mabilis itong pamamaraan???

Pangalawa, kapag tumuntong ka na agad ng kolehiyo nang wala ka pang kaalam-alam sa nais mong kurso, aba pagsasayang iyan ng oras! Kesyo gusto mo nito, gusto mo niyan... Ano ang kinalabasan sa dulo, nag-shift ka kasi di mo kaya? Ang K-12 ay preparasyon sa kolehiyo. Para lamang iyang binubusog ka ng kaalaman ng K-12 para pagdating mo ng Kolehiyo hindi ka gugutumin...

Pangatlo, lahat kasi tayo ang tataas ng pangarap natin. Wala namang masama doon, ngunit ang kinalalabasan ng karamihan, hindi nila nakaya. Ang iba, 2nd year College lang ang natapos. Kaya kung ikaw ay nakadaan sa K-12 bago magkolehiyo, ngunit sa kasawiang palad, hindi mo kinaya, wag kang mag-alala dahil may kalalagyan ka.


Ngunit, sa kabila nito, naniniwala ako na darating din ang panahon na mauunawaan nila ang magandang layunin ng K-12. Paano ba natin malalaman kung mapagtatagumpayan ang isang bagay? Hindi ba't kung atin itong susubukan! Kaya't kaming mga unang nakatuntong sa K-12 ang susubok na mapagtagumpayan ito! 







Guro...Titser...

"Wala akong masyadong alam tungkol sa guro na ito, pero mukha namang mabait"

Ito ang nasa isip ko noong nasa baitang walo pa lamang ako. Inasahan ko na, na siya ang aming magiging guro dahil siya ang Chairman ng Departamento ng Filipino at guro ng ikatlong baitang na ngayon ay baitang 9. Unang araw pa lamang sa klase, nainis na agad ako sa mga bagay na gusto niyang ipagawa. Ang pinupunto ko ay ang blog. Unang-una kasi sa lahat, hindi ako masyadong pamilyar sa blog, naririnig ko iyon ngunit wala akong alam patungkol dito at pangalawa, ito ay hindi gawang pakamay na isusulat sa papel at ipapasa, kundi ito ay nasa internet at doon ka gagawa ng output mo. Diba't napakagastos naman na lagi lagi kaming pupunta sa computer shop para lang sa blog? At bakit kailangan madami pang ganito, kaartehan lang yan! Iyon na lamang ang naging reaksyon ko tungkol sa blog na pinapagawa sa amin. Ngunit nabago ang lahat ng aking pananaw nang masaksihan ko kung paano nakatulong ang blog sa akin. Tama ang sinabi sa amin ng aming guro, ito ay makatutulong para mas mahasa pa kami, lalong-lalo na ang mga manunulat katulad ko. Malaya akong ipahayag ang aking saloobin at hinanaing. Katulad ngayon na may dalawa pa akong personal na blog na ginawa :)

Tungkol naman sa katangian ng aming guro. Sa totoo lamang, minsan naiinis din ako sa kanya, ngunit talo din ako pagdating sa dulo dahil alam kong may punto ang mga sinasabi niya, na kahit anong anggulo mo tingnan, sa dulo ikaw pa rin ang mali. Katulad ng kaso ni Marasigan na nakipagtalo siya sa kanyang sagot na sinabing mali na ngunit ipinaglaban niya pa rin. Para sa akin ipaglalaban ko rin ang aking sagot dahil alam ko na tama iyon, ngunit ang tinatalo mo ay isang guro na mas mataas ang kaalaman sa iyo. Napagtanto na mali ang makipagtalo sa isang guro.

Sa kanya ko naranasan ang napakaraming surpresa. Lagi niya akong sinusurpresa sa pagtawag ng aking pangalan. Ito sa palagay ko ang gumagawa ng araw ko para mas maging kapanapanabik ang buhay, laging puno ng surpresa. Gusto kong tumawa ngayon ng napakalakas habang sunisulat ito. Hindi dadaan ang isang buong markahan na walang surpresa para sa akin. Lagi akong may kung anong kababalaghan na ginagawa sa upuan ko, at minsan naman nakatulala sa bintana at malayo ang tingin. At dahil malakas ang charisma ko sa aking guro, lagi niya kong napapansin at pabigla-biglang tatawagin  ang aking pangalan na parang kidlat. Ako naman itong nilindol, at biglang tatayo at ayan....ayan na... Buti na lang talaga! Buti na lang talaga at alam ko ang isasagot ko! ligtas! Paalala lamang: Nakikinig ako ngunit wala ang atensyon ko sa aking pinakikinggan na nakita kong mali, dahil ang lahat dapat ng atensyon mo ay mapunta sa pinapakinggan mo para maintindian ng lubusan ang tinatalakay :)

Bukod pa riyan, siya rin ang guro na may pinakamaraming pinagawa sa amin kung ikukumpara sa ibang asignatura. Naiinggit na lamang ako sa mga kapwa ko estudyante pag sinasabi nila ang phrase na "hayahay kami kay Maam/Sir eh". Ngunit napagtanto ko na, kung hindi namin sasanayin ang aming sarili sa maraming gawain, masasanay kami na laging hayahay katulad nila. Na baka sakaling baunin namin sa aming paglaki na hindi naman dapat. Ngayon pa lang, dapat doble na ang sipag naming.

Bawal ang pagsasalita ng Ingles sa kanyang klase. May punto nga naman kasi talaga. Bakit ka naman magsasalita ng wikang Ingles kung ang asignatura ay Filipino? Kaya naman, bago pa man ako magtaas ng aking kamay para sa paggsagot, akin munang binubuo ng tama ang aking isasagot na walang halong Ingles. Ngunit nagtataka ako, lagi kong naririnig ang salitang "so" sa aming mga talakayan. Na natagpuan kong ang salitang so ay Ingles. Uhm, maaring ang so ay ekspresyon lamang, dahil ang tagalog ng so ay "kaya", magiging kalabisan na ang kaya kung laging gagamitin, kaya't so na lamang para maikli.

Isa sa mga di ko inaasahan na matutunghayan ko sa gurong ito ay, may parte rin pala sa kanyang pagkatao na siya ay "jolly". Ito ay nitong araw lamang na nagkwento siya sa amin ng kanyang karanasan sa pag-aaral noong kolehiyo. Tuwang-tuwa siyang ikinukwento ang mga pangyayari noong kabataan niya. Noong pagkakataon na kasi na iyon, parang nakalimutan na namin na siya ay guro at kami ang kanyang mga estudyante. Yung tipong parang magkakatropa lang. Nakakatuwa dahil nakita ko ang ganoong side ni Maam. 

Sa kabuuan, natagpuan ko ang gurong ito na palihim na katatakutan ng mga estudyante. Siya kasi ang guro na hindi mo matutunghayan na magsusungit sa labas, masasaksihan mo lamang iyon kapag mismong ikaw na ang kanyang estudyante at siya na ang naging guro mo. Ang buong akala ko, ang gurong ito ay anghel, dahil halata naman sa kanyang mukha, ngunit ang sabi nga, hindi mo mahuhusgahan ang isang tao base sa kanyang pisikal na kaanyuan. Ngunit sa kabila ng lahat ng iyon, kahit na minsan naiinis na ako sa kanya, aminado naman ako sa sarili ko at di ko ikaiila na marami akong natutunan sa kanya. Isa sa mga ipinagmamalaki ko ay naging estudyante niyo po ako.

Linggo, Marso 15, 2015

Larawan ng aking gawang dekonstruksyon at visual sa pangkatang gawain

Magandang gabi sa ating lahat. Narito na ang aking gawang dekonstruksyon sa kwento ng pag-iibigan nina Maria Clara at Crisostomo Ibarra na pinamagatang "Buhat ng Pagmamahal ko sa Iyo" at ang pangatlong larawan naman ay ang aming visual sa pangkatang gawain :)




   



Biyernes, Marso 13, 2015

Ikasiyam na Linggo sa Ikaapat na Markahan

Buenas diaz! Sa Linggong ito, ang buong talakayan ay umikot lamang sa tauhan na si Maria Clara. Mula sa pagkakakilanlan, katangian, at mga pinagdaanan sa buhay, lalong lalo na ang kanyang pag-ibig para kay Ibarra. Lahat iyon ay aming tinalakay.

Noong Martes, wala kaming klase dahil ito ang aming Preliminary Examination. Ang pagsusulit naman ng asignaturang Filipino ay noong Lunes, dito na rin namin iniwasto sa oras na ring iyon ang aming mga papel.

Opisyal nang nagsimula ang talakayan ngayong Miyerkules. Sinagutan namin ang mga katanungan patungkol kay Maria Clara at ito ay ang aming takdang aralin. Ang unang katanungan ay, paano nga ba natin maipapakita ang tunay na pagmamahal? Ang aking kasagutan ay ang tunay na pagmamahal ay hindi nasusukat sa dami ng taon ng inyong pagsasama, sa mga pagpapalitan ninyo ng "I love you", sa bawat lambingan na inyong binabahagi sa isa't-isa. Ang tunay na pagmamahal para sa akin ay handa mong isakripisyo ang sarili mong kaligayahan para sa kabutihan ng iyong minamahal. Maganda ang naging pagpaplitan ng aming mga ideya at saloobin patungkol dito. Pag-ibig nga naman, kailanman hindi ka maiiwasan.

Noong araw na ring iyon, nakapagbahagi ang aming guro ng kanyang buhay noong siya ay nag-aaral pa lamang sa kolehiyo. Tinalakay din namin ang pagmamahal ni Maria Clara kay Ibarra. kami ay nagpangkatan, ngunit ang oras ay nagbabadya nang maubos kaya naman amin na lamang pinagplanuhan ng aming gagawing presentasyon. Isinulat namin sa ikaapat na bahagi ng papel kung anong klaseng presentasyon ang aming gagawin. Lahat kami ay pinili ang pagrorole-play maliban sa pangkat tatlo na debate ang pinili. Kami ay pinaalalahanan ng aming guro na dapat handa na ang aming grupo bukas sa pagtatanghal dahil kami ang unang magtatanghal.

Kinabukasan, ayon sa nakatakdang mangyari, kami ang unang nagtanghal. Dito namin ipinakita ang mga katangian ni Maria Clara bilang anak, mangingibig at tao. Hindi masyadong napaghandaan ito dahil kitang-kita naman na may ilang kamalian mula sa pagtatanghal. Sa pangkat dalawa naman, mayos naman, sa una hindi ko maintindihan kung bakit may cellphone na silang ginagamit samantalang ang panahon ay hindi akma.Iyon pala, kanilang ikinumpara ang noon at ngayon at patuloy pa rin itong nangyayari sa kasalukuyan. Sa pangkat 3 naman, ang pagdedebate kung dapat ba o hindi dapat ipinaglaban ni Maria Clara ang kanyang pag-ibig para kay Crisostomo Ibarra. Napabilib ako sa palitan nila ng mga opinyon, lalong lalo na nang may pinagkunan silang basehan, ito nga ay iyong bibliya. Sa pangkat 4, dito naman ako pinakanasiyahan. Ang ginawa nilang pagtatanghal ay hinaluan ng komedya, kaya naman napatawa nila ako. Kami ay binigyan ng takdang aralin at ito ay pangkatang gawain.

Sa pangkatan, nauna mag-ulat ang pangkat dalawa. Sila ay umawit, ngunit ang iba doon ay hindi nila sariling gawa. Kung tutuusin din naman kasi, mahirap gumawa ng kanta, sayo na ang liriko sayo rin pati tono. Ngunit sana ay liriko na lamang ang kanilang ginawa at ang tono ay ibinase na lang sa isang kanta. Sumunod mag-ulat ang pangkat tatlo na lumikha ng tula. Maayos ang kanilang tula dahil may tugma. Iyon nga lang, sana ay matapos basahin ng buong grupo ang kanilang tula, dapat ay ipinaliwanag na lamang pangkabuuhan ang tula at hindi na muling binasa bawat taludtod upang hindi na natagalan pa. Pagkatapos nila, kami na ang sumunod. Hindi ko masyadong naintindihan ang pag-uulat dahil nasa dulo ng klase ang aming pagitan. Huling nag-ulat ang pangkat apat na bumuo ng islogan. Nang mabasa ko ito, ako ay humanga :) Magaling silang lumikha ng islogan, at magaling din naman ang kanilang tagapag-ulat.

Binigyan kami ng takdang aralin, kami ay susulat ng sarili naming gawang kwento na nagpapakita ng kalakasan ng isang katangian ng dalagang Pilipina sa panahon ngayon. Ito ay isusulat sa bondpaper at kukuhanan ng larawan. Ang larawan na iyon ay ipopost sa aming blog at dapat iyong makita ng aming guro. Isinama rin niya ang larawan ng ginawa naming visual para sa pag-uulat ngayon. Matapos nito, binigyan muli kami ng panibagong iuulat para sa susunod na talakayan patungkol kay Sisa. Mukhang magiging busy ang aking Sabado at Linggo dahil sa mga ito :) Adios!

Biyernes, Marso 6, 2015

Ikaapat na Linggo sa Ikaapat na Markahan

Naging masaya ang unang araw ng aming Linggo ngayon. Ang unang araw ng aming klase sa Filipino (Martes) ay inilaan para sa tinatawag nating Parade of Characters. Umaga pa lamang ay nasa Paaralan na kami upang paghandaan nga ang nasabing gawain. Ako ay nakapaghanda at naensayo ko na ang linyang sasabihin ko. Kinatawan ko si Tiya Isabel, kung kaya't ang kasuotan ko ay simple lamang, ganoon na rin naman ang ayos ng aking buhok. May mga umangat at tumatak na karakter sa paradang ito. Ilan na dito sina Cebu na ginanapan si Sisa, si Marasigan kay Padre Damaso, si Aclon na nagdoble ng karakter, si Basilio at Crispin at pati na rin si Panelo na binigyan ng hustisya ang pagkaedukado ni Ibarra sa pamamagitan ng pananalita at tindig.

Sa sumunod na araw, tinlakay naman namin ang mga tauhan ng Noli Me Tangere. Ito'y aming inisa-isa at ipinaliwanag ng mabuti. Bukod pa rito, tinalakay din ang mga tauhan na may sinisimbolo sa Nobela. Pinakanagustuhan ko rito ang simbolo ni Sisa, hindi dahil sa siya ay baliw o mahinang babae, dahil ito ay nagpapakita ng totoong pangyayari sa kasaysayan ng ating bansa. Ang walang kalaban labang Pilipinas laban sa pang-aabuso ng Espanya. Anong pait nga naman ng pagkakataon. Tinalakay din ang mga taong nagimpluwensya kay Jose Rizal. Ang mga tauhan sa nobela ay nabigyan ng totoong katauhan sa tunay na buhay, at iyon nga amg mga nag-impluwensya kay Rizal.

Sa Linggo rin na ito, nasimulan na ang pagtalakay ng mga kabanata na may kaugnayan kay Crisostomo Ibara na pangunahing tauhan ng nobela kaya't siya ang inuna. Naibigay na sa bawat pangkat ang mga kabanatang iyon at nasa pangkat na kung paano paghahandaan at pagagandahin ang pag-uulat sa paraang mas madaling maintindihan at maunawaan. Nagsimula ito sa aming pangkat. Aking pinaghandaan ang aking iuulat, ibinuod ko na lamang ito para maintindihan nila at makuha agad nila ang puso ng kabanatang aking iuulat.

Ikawalong Linggo sa Ikaapat na Markahan

Ngayong Linggong ito, aming tinalakay ang iba pang mahahalagang tauhan ng Noli Me Tangere na sina Elias, Maria Clara, at si Sisa. Nagustuhan ko ang mga pangyayari sa buhay ng tauhan na si Elias. Ang salitang sakripisyo ay kulang pa kung akin siyang ilalarawan dahil sa pagtulong niya kay Ibarra sa kabila ng natuklasan niyang ang mga ninuno ni Ibarra ang nagdulot ng kabiguan sa kanyang mga kamag-anak.

Noong Martes, aming tinalakay si Elias. Gaya ng nasabi, si Elias ay isag piloto ng bangka, rebelde at matulunging kaibigan. Tinanong kami ng aming guro kung ano ang mangyayari kung ang isang tao ay nakaranas ng kabiguan. Isang salita ang pumasok sa aking isipan nang marinig ko iyon, "paghihiganti". Ito ang kalimitang nangyayari sa mga napapanood o nababasa kong mga totoong istorya. Katulad ni Elias, siya rin ay nakaranas ng kabiguan. Noong mga oras din  na iyon, ibinigay sa amin ang mga gabay na tanong patungkol kay Elias. May pinasagutan ding  puzzle sa amin, at aming huhulaan kung ano ang salitang hinihingi batay sa clue nito. Pagkatapos ay isa isa nang nag-ulat ang bawat grupo. ang napunta sa aming grupo ay ang uang bilang, si Elias at Salome. Napabilib ako sa ginawang pagpili ni Elias sa pagitan ng kanyang bayan at sa kanyang iniibig na si Salome. Ang bayan ang kanyang pinili, patunay lang ito na may malasakit siya dito. 

Naunang ag-ulat ang pangkat 4 at kami naman ang panghuli. Nang matapos ang pag-uulat, isa-isa itong tinalakay ng aming guro. Binigyan kaming takdang aralin na ilalagay sa isang buong papel.

Sa sumunod na araw naman, kami ay nagkaroon ng pangkatang gawain. Ang pangkatang gawain na ito ay ibinatay sa aming takdang aralin. Napunta sa aming grupo ang ikatlong tanong, "sang-ayon ba kayo sa pagkakatanggal ng bahaging naglalahad sa damdamin ni Elias at Salome sa nobela? Bakit?" Kami aty nagkaroon ng dalawang kasagutan, oo at hindi. Para naman sa akin, ang sagot ko ay hindi, dahil mas maganda kung inilahad ito doon para mas nabigyan ng hustisya kung paano magmahal si Elias hindi lang sa kanyang bayan, kundi sa isang tao na mahalaga sa kanya. Naging maayos at maganda ang pag-uulat ng bawat grupo dahil nagustuhan ito ng aming guro.

Huwebes, wala kaming pasok dahil ito ay National Achievement Test ng ga 4rth Year. Binigyan kami ng takdang aralin, at ito ang magbasa ng mga kabanata sa Noli Me Tangere na may kaugnayan kay Maria Clara at Sisa. Kaya't ngayong Biyernes, ito na ang naging talakayan namin. Nagpakita ng dalawang larawan ang aming guro, mga pilipina noon at ngayon at amin itong pinagkumpara. Ang mga babae noon ay mahinhin at konserbatibo, ngayon naman ay bukas na sa lahat ang kanilang mga katauhan. Marami ang kabanata para kay Maria Clara at iilan lamang ang kay Sisa. Ito ay aming tinalakay. Binigyan muli kami ng takdang aralin.

Lunes, Marso 2, 2015

Ikapitong Linggo sa Ikaapat na Markahan

Ang highlight ng Linggong ito para sa akin ay ang Mock Trial na naganap noong Huwebes. Ngunit ang pinaka nakakasindak naman na araw ngayong Linggong ito ay noong Biyernes. Nagkaroon kami ng surpresang pagsusulit. Mabuti na lamang at natatandaan ko pa ang mga kabanatang inilagay ko doon pati n rin ang mahahalagang pangyayari.

Simulan natin noong Martes. Noong Martes, nagpresenta sa harapan ang ilan sa aking mga kaklase. Prinisinta nila ang kanilang mga gawang takdang aralin. Batay sa obserbasyon, mas marami ang pumili kay Elias, katulad ko, si Elias din naman ang pinili ko. Matapos ang pagpiprisinta, kami ay dumako na sa tsart na kung saan ang bawat katanungan doon ay kailangan naming sagutin. Natalakay dito ang mga makakapangyarihang tauhan ng Noli Me Tangere na humadlang sa kanyang buhay pag-ibig, pamilya at pangarap. Unang una na dito si Padre Damaso. Para sa akin, una't sapul pa lang, ang lahat ng ito ay nagbunga sa galit at inggit ni Padre Damaso kay Don Rafael na nasumpungan pa ng pagkakataon, dahil si Ibarra naman ay ang anak ni Don Rafael. Kabilang din dito si Maria Clara at ang mga mamamayan ng San Diego.

Noong Huwebes, ang Mock Trial, na kung saan ang mga abogado ay sina Ostia at Bueno. Ang gumanap na Ibarra ay si Agoncillo at si Marasigan naman si Elias. Nagustuhan ko ang kasagutan ni Elias, dahil binibigyan niya ng mga katwiran ang mga katanungan sa kanya. Ganoon din naman si Ibarra, pareho kami ng mga iniisip na isasagot sa mga tanong ng abogado. Ang aming naging hukom ay si Sallador, mahusay naman ang kanyang pagganap at patas naman siya kumilatis.

Noong Biyernes, kami ay nagkaroon ng surpresang pagsusulit. Ang pagsusulit na ito ay nakatuon sa mahahalagang kabanata sa Noli Me Tangere na kung saan ipinakita dito na si Ibarra ay tunay at tapat na mangingibig pati na rin ang hangarin at pangarap niya para sa kanyang bayan.

Ikalimang Linggo sa Ikaapat na Linggo

Ginugol namin ang Linggong ito sa pagtalakay sa bawat kabanata sa Noli Me Tangere na may kinalaman sa tauhan na si Crisostomo Ibarra. Kami ay naatasan na iulat ang mga kabanatang ito at tukuyin kung ano ang kaugnayan nito kay Ibarra. Nagsimula ang talakayan sa pangkat 1 at natapos sa pangkat 4.

Kami, ang pangkat isa, ay naatasan sa kabanata 1-5, 7, 9, at 10. Napunta sa akin ang kabanata 1, na pinamagatang "Ang Pagtitipon". Kasama ko sa pag-uulat na ito ang aking katabi na si Aclon. Prinisinta namin ang kultura ng mga Pinoy na pag-iimbita sa mga salu-salo, ang alitan sa pagitan ng simbahan at estado, at pinahapyawan na rin namin ang pag-uusap nina Padre Damaso at Tinyente tungkol sa paglipat ni Padre Damaso sa ibang bayan. Naging maayos naman ang araw na iyon, ngunit ang iba sa aking mga kagrupo ay ikinuwento pa ng husto ang mga pangyayari dito dahilan para kami ay mapatagal. Sinabi ni Gng. Mixto na magkakaroon kami ng maikling pagsusulit tungkol sa mga kabanata na natalakay...

Kinabukasan, kagaya ng inaasahan, nakaroon kami ng pagsusulit ngunit ito'y hindi natuloy at ginawang takdang aralin na lamang dahil hindi namin kakayaning tapusin sa loob ng sampung minuto. Bagkus ay tumungo na kami sa pag-uulat ng pangkat dalawa. Maayos naman ang pag-uulat. Sinimulan ito sa kabanata 11 na iniulat ni Nica. Naging maayos at maliwanag naman ang kanilang pag-uulat.

Kinabukasan, amin nang ipinasa ang gawain na pinagsamang ulat ng pangkat isa at dalawa. Ngayon naman nag-ulat ang Ikatlong Grupo at nitong Biyernes ay ang pangkat 4. Ginawan namin lahat ng bawat kabanata na iniulat ng bawat grupo na may kaugnayan kay Ibarra.