Huwebes, Marso 19, 2015

Guro...Titser...

"Wala akong masyadong alam tungkol sa guro na ito, pero mukha namang mabait"

Ito ang nasa isip ko noong nasa baitang walo pa lamang ako. Inasahan ko na, na siya ang aming magiging guro dahil siya ang Chairman ng Departamento ng Filipino at guro ng ikatlong baitang na ngayon ay baitang 9. Unang araw pa lamang sa klase, nainis na agad ako sa mga bagay na gusto niyang ipagawa. Ang pinupunto ko ay ang blog. Unang-una kasi sa lahat, hindi ako masyadong pamilyar sa blog, naririnig ko iyon ngunit wala akong alam patungkol dito at pangalawa, ito ay hindi gawang pakamay na isusulat sa papel at ipapasa, kundi ito ay nasa internet at doon ka gagawa ng output mo. Diba't napakagastos naman na lagi lagi kaming pupunta sa computer shop para lang sa blog? At bakit kailangan madami pang ganito, kaartehan lang yan! Iyon na lamang ang naging reaksyon ko tungkol sa blog na pinapagawa sa amin. Ngunit nabago ang lahat ng aking pananaw nang masaksihan ko kung paano nakatulong ang blog sa akin. Tama ang sinabi sa amin ng aming guro, ito ay makatutulong para mas mahasa pa kami, lalong-lalo na ang mga manunulat katulad ko. Malaya akong ipahayag ang aking saloobin at hinanaing. Katulad ngayon na may dalawa pa akong personal na blog na ginawa :)

Tungkol naman sa katangian ng aming guro. Sa totoo lamang, minsan naiinis din ako sa kanya, ngunit talo din ako pagdating sa dulo dahil alam kong may punto ang mga sinasabi niya, na kahit anong anggulo mo tingnan, sa dulo ikaw pa rin ang mali. Katulad ng kaso ni Marasigan na nakipagtalo siya sa kanyang sagot na sinabing mali na ngunit ipinaglaban niya pa rin. Para sa akin ipaglalaban ko rin ang aking sagot dahil alam ko na tama iyon, ngunit ang tinatalo mo ay isang guro na mas mataas ang kaalaman sa iyo. Napagtanto na mali ang makipagtalo sa isang guro.

Sa kanya ko naranasan ang napakaraming surpresa. Lagi niya akong sinusurpresa sa pagtawag ng aking pangalan. Ito sa palagay ko ang gumagawa ng araw ko para mas maging kapanapanabik ang buhay, laging puno ng surpresa. Gusto kong tumawa ngayon ng napakalakas habang sunisulat ito. Hindi dadaan ang isang buong markahan na walang surpresa para sa akin. Lagi akong may kung anong kababalaghan na ginagawa sa upuan ko, at minsan naman nakatulala sa bintana at malayo ang tingin. At dahil malakas ang charisma ko sa aking guro, lagi niya kong napapansin at pabigla-biglang tatawagin  ang aking pangalan na parang kidlat. Ako naman itong nilindol, at biglang tatayo at ayan....ayan na... Buti na lang talaga! Buti na lang talaga at alam ko ang isasagot ko! ligtas! Paalala lamang: Nakikinig ako ngunit wala ang atensyon ko sa aking pinakikinggan na nakita kong mali, dahil ang lahat dapat ng atensyon mo ay mapunta sa pinapakinggan mo para maintindian ng lubusan ang tinatalakay :)

Bukod pa riyan, siya rin ang guro na may pinakamaraming pinagawa sa amin kung ikukumpara sa ibang asignatura. Naiinggit na lamang ako sa mga kapwa ko estudyante pag sinasabi nila ang phrase na "hayahay kami kay Maam/Sir eh". Ngunit napagtanto ko na, kung hindi namin sasanayin ang aming sarili sa maraming gawain, masasanay kami na laging hayahay katulad nila. Na baka sakaling baunin namin sa aming paglaki na hindi naman dapat. Ngayon pa lang, dapat doble na ang sipag naming.

Bawal ang pagsasalita ng Ingles sa kanyang klase. May punto nga naman kasi talaga. Bakit ka naman magsasalita ng wikang Ingles kung ang asignatura ay Filipino? Kaya naman, bago pa man ako magtaas ng aking kamay para sa paggsagot, akin munang binubuo ng tama ang aking isasagot na walang halong Ingles. Ngunit nagtataka ako, lagi kong naririnig ang salitang "so" sa aming mga talakayan. Na natagpuan kong ang salitang so ay Ingles. Uhm, maaring ang so ay ekspresyon lamang, dahil ang tagalog ng so ay "kaya", magiging kalabisan na ang kaya kung laging gagamitin, kaya't so na lamang para maikli.

Isa sa mga di ko inaasahan na matutunghayan ko sa gurong ito ay, may parte rin pala sa kanyang pagkatao na siya ay "jolly". Ito ay nitong araw lamang na nagkwento siya sa amin ng kanyang karanasan sa pag-aaral noong kolehiyo. Tuwang-tuwa siyang ikinukwento ang mga pangyayari noong kabataan niya. Noong pagkakataon na kasi na iyon, parang nakalimutan na namin na siya ay guro at kami ang kanyang mga estudyante. Yung tipong parang magkakatropa lang. Nakakatuwa dahil nakita ko ang ganoong side ni Maam. 

Sa kabuuan, natagpuan ko ang gurong ito na palihim na katatakutan ng mga estudyante. Siya kasi ang guro na hindi mo matutunghayan na magsusungit sa labas, masasaksihan mo lamang iyon kapag mismong ikaw na ang kanyang estudyante at siya na ang naging guro mo. Ang buong akala ko, ang gurong ito ay anghel, dahil halata naman sa kanyang mukha, ngunit ang sabi nga, hindi mo mahuhusgahan ang isang tao base sa kanyang pisikal na kaanyuan. Ngunit sa kabila ng lahat ng iyon, kahit na minsan naiinis na ako sa kanya, aminado naman ako sa sarili ko at di ko ikaiila na marami akong natutunan sa kanya. Isa sa mga ipinagmamalaki ko ay naging estudyante niyo po ako.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento