Biyernes, Marso 20, 2015

Mga di malilimutang karanasan, sa isip buhay na buhay...

"Isang taon na naman ang lumipas..."Ito ang kadalasan nating sinasabi kapag magtatapos na ang klase. Ngunit mas maganda sana kung ganito ang ating sasabihin "Isang taong puno ng ala-ala't di malilimutang karanasan na naman ang dumagdag sa mga babaunin ko sa aking pagtanda..."

Ang mga karanasan at ala-ala, iniingatan yan, dahil iyan lang ang tanging babaunin mo na kahit kailan hindi mamatay at mananatiling buhay sa memorya mo sa iyong pagtanda. Masaya ako dahil may isesave na naman akong panibagong files sa usb ko. Ang usb ay utak ko at ang files ang memories na baon ko. Kaya naman ngayon, ako ay maglalahad ng mga karanasan ko. Karanasan na hindi ganuon kadaling makalimutan...

Bilang isang mag-aaral, di natin maiiwasan ang magpagod at maglaan ng oras sa mga bagay na pinapagawa sa atin. Proyekto, takdang aralin at iba pang mga gawain. Biruin mo na ang mga simpleng gawaing ito ang nagpapahirap sa akin. Mahirap kung sa isang araw, sabay-sabay ang mga asignaturang ito na nagbigay ng takdang aralin, sabihin mo mang madali lang iyan, iyan naman ang uubos sa lakas at oras mo dahil sa dami. . Halos ito nalang ang ginagawa ko sa maghapon pag-uwi ko pa lang ng bahay, at palagi na lamang late matulog sa gabi. Wala pang araw sa buong taon na ito na hindi ako nag-internet. Ang lahat ng takdang aralin at mga gawain namin ay nakakunekta sa internet. Moderno na nga ang ating panahon, ika nga nila, lahat ng bagay sa mundo at mga nais mong malaman ay “googable” na, totoo naman kasi. Ako naman itong palaging pinagagalitan ng aking nanay dahil hindi na daw ako nakatutulong sa mga gawaing bahay dahil kaliwa’t kanan ang mga gawain sa Paaralan at mga dapat ipasa, mga dapat naming pag-aralan at dapat asikasuhin…
Wala naman akong magagawa tungkol dito dahil ito ang katotohanan ng buhay-estudyante.

Lagi rin kaming nakakaingkwentro ng gawain na pangkatan. Hindi basta bastang pangkatan iyon dahil ito ay nangangailangan ng masugid at maayos na preparasyon. Ang akala ko noon, ang isang proyekto ay mas madali kung isang grupo ang gagawa, ngunit nagkamali ako dahil mas mahirap pala pag pangkatan, mas lalong napapatagal. Kung pangkatan kasi, lagi tayong aasa sa mga may alam, sa mga pursigido na matapos ang proyekto at sa mga estudyante na may pagkukusa at pagmamahal sa ginagawa. Nasaksihan ko ito noong ako ang lider/direktor ng aming short film sa Filipino pati na rin sa movie na proyekto namin sa Mapeh. Ako na Direktor, ako na Scriptwriter, ako pa camera women,!Kulang na lang talaga ako na rin ang mag-aktres eh! Ito ang mahirap pag nagkakaroon tayo ng ganito kalalaking mga proyekto. Shoot dito, shoot doon! Na tipong magtataka na lang ang mga magulang namin, kailan pa kami naging aktres? Teka estudyante lang kami diba? Umabot pa sa punto na ako ay nagkasakit dahil masyado ko nang pinahihirapan ang sarili ko. Dahil sa karanasan kong ito, natutunanko na… Ang magsakripisyo pala ng sobra ay hindi maganda, dahil sa dulo ikaw ang kawawa. Di mo alintana kung ano ang mangyayari sa iyo dahil ang tunguhin mo ay para sa kabutihan ng iyong grupo. Sa totoo lamang, maganda naman ang ganitong mga proyekto dahil nadedevelop ang aming acting skills at kakayahan sa pamumuno. Ngunit nakadenpe nga lang iyon sa mga estudyante, kung lahat ay magtutulungan, e di mas maganda ang kalalabasan. Kapag naman hindi, may di pantay na dibisyon sa gawain ang nagaganap…

Isa din sa mga bagay na nagpalungkot sa akin ay ang katotohanan na sa buong markahang ito, ni hindi man lang ako nakapasok sa top 10 kahit na isang beses. Palagi lang akong nasa top 15 ganun. Hindi ko alam kung ano ang dahilan at biglang nagbago ang lahat. Marahil ay walang nagbago, di ko lang siguro matanggap sa sarili ko na ganito ang kinahinatnan ko. Sabi nga nila, mas mahirap daw kung nasimulan mong ikaw ay nasa taas at biglang lumagapak, kaysa sa nasimulan mo sa paglagapak kaysa sa lumipad papataas. Lahat naman ng nangyayari sa ating buhay ay may dahilan, kaya’t hindi ko dapat ito ikabahala dahil alam kong may plano ang Diyos sa aking buhay na lubos kong ikagagalak. At walang ibinigay na pagsubok ang Panginoon na hindi natin kakayanin, masaya na ako ngayon dahil ako ay kabilang sa top 15 J

Sa lahat ng kadramahang iyan, pumunta naman tayo ngayon sa mga masasayang karanasan. Sabi nila, ang High School life daw ay punong-puno ng thrill. Ang High School daw ang da-best stage sa pag-aaral ng isang estudyante. At ngayon pa lang, napatunayan ko na iyon kaagad di pa man ako nakatutuntong ng Kolehiyo. Sa kabila ng hirap at pagod na nararanasan ng isang estudyante, tanggal lahat yan makasama mo lang ang iyong mga kaibigan. Sila ang mga kaibigan na handa kang patawanin at tulungan kapag may problema. Di ko malilimutan ang malalakas na tawanan sa aming klase, mga nakakakilig na pagkakataon kasama ng iyong crush, mga nakakokonsensyang mga gawain ng isang estudyante tulad ko na bigla mo na lang marerealize sa dulo na mali pala iyon. Masaya ako pag nakakukuha ako ng mataas na marka sa takdang aralin at mga gawain sa bawat asignatura. Pag ako ang pinakamataas sa Periodical Test. Pag nananalo ako sa mga Contest sa School at sa Division. Pag pinupuri ako ng aking mga guro at natutuwasila sa aking performance. Pag ako ay nakagagawa ng mga bagay-bagay na nagbibigay katuwaan sa akin.

Kung may ulan, syempre may araw. Kung may marumi, dapat may malinis. Kung may dilim, meron din namang liwanag. Masaklap ang buhay kung puro kalungkutan lang at problema, wala rin namang thrill ang buhay kung puro kasiyahan lang. Hindi masarap kung puro kape lang, o kung puro gatas lang. Dapat kombinasyon ng dalawa. 







Walang komento:

Mag-post ng isang Komento