Linggo, Oktubre 26, 2014

Janjuai Agoncillo a.k.a. HUAN SHUAI

Kilala niyo ba si Janjuai?


Ah. Diba, siya yung dun sa palabas na Meteor Garden. Yung kapartner ni Dao Ming Zu!


Hindi! Si San Chai naman yun eh. Si Janjuai, yung magaling sa Science. Yung tipong buong School Year siya lang lagi yung Best in Science!


Ah si Janjuai. Hindi masyado, tahimik kasi eh.


Kung ganun, hayaan mo akong ipakilala si Janjuai Agoncillo sa inyo, a.k.a HUAN SHUAI




Tahimik. Matalino. Emotionless


Ayan si Janjuai Agoncillo. Sa araw-araw ba naman kasi na papasok ka sa Paaralan, ito lagi ang paulit-ulit na Cycle na maoobsrebahan mo sa kanya. Tahimik, obvious naman diba. Ni hindi nga siya nalilista sa Noisy ni minsan eh. Matalino? Pinaka-obvious sa lahat. Kaya nga, ni hindi kami makatikim ng kahit isang  Best in Science man lang kasi sa kanya lahat yun. At Emotionless? Oo, emotionless SIYA. Hindi man lang nagpapakita ng medyo konting kasiyahan o kaya naman ay kadramahan. May isa pa pala, isa siyang weirdo. Minsan hindi mo matutukoy o maiintindihan ang isang tulad niyang genius, kasi may sarili siyang mundo. Dahil nga magkaiba kayo ng mundo, talagang hindi kayo magkakaintindihan.


Maliban sa lahat nang yan. Ang isang Janjuai Agoncillo ay marunong din namang umibig. Hindi siya torpe tulad ng iba dyan. Magugulat ka na lang kung makakakita ka ng doodle art na gawa niya, tapos ang nakasulat doon sa doodle art "Janley Tinggoncillo". Pinag-samang pangalan yan nila ng crush niya. Hindi niya pa nga daw tapos kulayan yun eh.
 
Sa mga group report, diyan kami malakas kay Janjuai. Yung tipong walang kasiguraduhan yung irereport niyo, na mas pipiliin mo pang wag na lang magka-grade kaysa sa mag-report na mali mali naman ang sagot. Kapag ganito na ang sitwasyon, nagkakaisa ang aming grupo. "Janjuai, ikaw na!" Ayan lagi ang aming linya. Wala na siyang nagagawa. Sa ayaw at sa gusto niya, magrereport siya. Sa mga pagsusulit naman, masasabi kong, napakatotoo niya. Hindi siya nangongopya. Kapag kunyari may maling tsek kami sa mga sagot niya, winawasto niya iyon at pinapalitan ng ekis dahil alam niyang mali iyon. Na kung tutuusin, sa mga estudyante ngayon, hahayaan na lamang iyon para makakuha ng mataas na puntos, siya hindi.


Malaki rin naman ang naitutulong niya sa akin. Kapag may hindi ako alam na leksyon, sa kanya ako lagi umaasa. Siya lagi ang sumasagot sa mga tanong ko. Kapag wala akong papel, sa kanya ako humihingi at binibigyan niya naman ako. Nitong nakaraan lang ay nagdiwang siya ng kanyang kaarawan, kaya't binabati kita HUAN SHUAI!

Biyernes, Oktubre 17, 2014

Aralin 2.4 Maikling Kwento ng Tsina

Kung Silangang Asya din lang naman pala ang pag-uusapan, hinding hindi dyan magpapatalo ang Tsina. Para sa Aralin 2.4, kami ay naglakbay sa bansang Tsina.


Aming binasa ang kanilang maiking kwentong pinamagatang "Niyebeng Itim". Amin ding pinag-aralan ang tungkol sa pagpapalawak ng pangungusap gamit ang panuring. Bukod pa riyan, nalaman din namin ang pagkakaiba ng Kwentong Katutubong Kulay sa Makabanghay.






NIYEBENG ITIM                                                                                             
Ni Liu Heng
(Isinalin sa Filipino ni Galileo S. Zafra)

Paparating na ang bisperas ng Bagong Taon. Nagpakuha ng litrato si Li Huiquan sa Red Palace Photo Studio, isang bagay na ayaw na ayaw niyang gawin, dahil pakiramdam niya, lalo pa siyang pinapapangit ng kamera. Sinasabihan na siya ni Tiya Luo na sapat na ang apat na piraso, ngunit nag-order siya ng labinlima. Nagulat ang klerk.
“Kinse?”
“Kinse nga.”
“Hindi kami siguradong maganda pa rin ang litrato kapag ganoon karami.”
“Gusto ko sabi ng kinse!”
                May pagkainis na sa kanyang boses at iyon lamang ang magagawa niya para mapigilan ang sarili na suntukin ang pangang iyon. Nag-order siya ng kinse para hindi na siya bumalik pa sa susunod at ikinabuwisit niya ang ituring na kahangalan ang ganito.
                Nang bumalik siya para kunin ang litrato, mas kabado siya kaysa nang kunin niya ang mga abo ng kanyang ina sa crematorium. Tumalikod siya at lumakad papalayo dala ang balutang papel nang hindi pa muna sinusuri ang litrato, at nang nag-iisa na lamang, dinukot niya ang laman. Labinlimang magkakatulad na litrato ang hawak niya, bawat isa ay nakatitig sa kaniya nang may pare-parehong hitsura. Sa kabuuan, mas maayos ang kinalabasan kaysa kaniyang inaasahan. Parang mas manipis ang kanyang labi dahil nakatikom, nakatitig ang mga mata niya. Hindi mo masasabing pangit. Sa katunayan, mas guwapo siya kaysa sa maraming tao. Wala siyang reklamo.
                Dinala siya ni Tiya Luo sa komite sa kalye kung saan pinagpasa-pasahan sila. Nakipag-usap sila sa iba’t ibang tao hanggang sa isang may  katandaang opisyal ang nagbigay rin sa kaniya ng lisensya para sa kariton. Hindi naaprobahan ang kanyang aplikasyon para sa lisensya  sa pagtitinda ng prutas dahil puno na ang kota. Ang mga kontak ni Tiya Luo ay hindi makatulong o ayaw nang tumulong. Mayroon na lamang lisensya para sa tindahan ng damit, sombrero, at sapatos. Wala nang pakialam si Huiquan kung anuman ang maaaring itinda. Ang mahalaga, mayroon siyang magawa.
Nabalitaan niyang mas madali ang pagtitinda ng prutas, mas mabilis ang kita; mas mabagal naman sa damit, at mas mababa pa ang tubo, nabalitaan din niyang kailangan niya ng maayos na tindahan o koneksyong black-market para talaga mapatakbo ito. Ngunit handa siyang sumubok. Kailangang palakasin niya ang kanyang utak, at di matatakot magtrabaho, maaayos ang lahat. Kahit maliit ang kikitain niya, hndi naman liliit pa iyon sa natatanggap niya bilang ulila, hindi ba? Bahala na.
                Paglabas nila mula sa compound ng gobyerno, nakabangga nila ang isang matabang mama na tinawag ni Tiya Luo na Hepeng Li. Sabi ni Tiya Luo okay Huiquan na tawagin itong Tiyo Li. Walang ideya sa Huiquan kung hepe ito ng ano at kaninong tiyo ito, ngunit naaalala niya rito ang matatabang sumo wrestler ng Japan.
                “Hindi ka ba magpapasalamat kay Tito Li sa lahat ng tulong niya?”
                Magalang na yumuko si Huiquan, isang ugaling natutunan niya sa kampo. Kailangang yumuko ang mga bilanggo sa lahat ng guwardiya, inspector, at tagamasid na nakikipag-usap sa kanila o nakatingin man lang sa kanila- iyon ang pagsasanay. Ginagawa niya iyon dahil nakasanayan na. Ngunit halos di siya napansin ng mama—tila ito isang lalaking tumitingin ng kung anong paninda. Pakiramdam ni Huiquan ay isa siyang basurahan o isang pirasong basahan na nais magtago sa isang butas.
                “Ito ba siya?” tanong ng matabang mama kay Tiya Luo.
                “Mabait siyang bata, tulad ng sabi ko. Tingnan mo’t namumula na siya.” Napatawa ang mama habang itinuon ang tingin kay Huiquan.
                “Alam mo ba kung paano ka nakakuha ng lisensya gayong maramng retirado at walang trabaho ang di-makakuha?”
                “Dahil...dahil kailangan ko ng trabaho?”
                “Iyon lang ba?” mapanlibak ang ngisi ng mataba.
                “Dahil isa akong ulila?”
                “kinakalinga ka ng pamahalaan; tiyak kong alam mo iyan.  Huwag kang manggugulo at huwag kang sakim ... nagkamali ka na. Kalimutan mo na iyon, dahil kapag umulit ka, wala  nang tutulong sa iyo.”
                “Gagawin ko anuman ang ipag-utos ng pamahalaan.”
                Isa na naman sa maraming islogan sa kampo. Nakabilanggo pa rin ang kaniyang isp at damdamin kahit pinalaya na siya sa kampo. Kahit si Tiya Luo ay tumangu-tango.  Saanman siya magpunta, laging may nagsasabi sa kanya kung ano ang dapat at di-dapat gawin; sa pagtingin sa kanya ng mababa, umaangat ang kanilang sarili. Namalagi siya sa bilangguan. Sila ay hindi at nararamdaman niya ang mga babala, panlalait, at paalala ay para lang sa kanya; gamitin ang ihian, walang dudura, bawal pumasok, limang yuan na multa—lahat ay patungkol sa kanya at tanging sa kanya lamang. habampanahon na may magpapahirap sa kanyang buhay, magtuturo sa kaibahan niya at ng ibang tao, hihila sa kaniya paibaba. Gusto niyang lumaban pero wala siyang lakas. Kaya magpapanggap siyang tanga, umiiwas sa mga nagmamasid at nagmamatyag. Maraming taon na naman niyang ginagawa ito.
                Masayang naglakad si Tiya Luo, di-pansin ang tamlay sa mukha ni Huiquan habang nakasunod ito na parang bilanggo.
                “Halos Bagong Taon na. Puwede kang manatili ngayong Bagong Taon sa amin.”
                “Salamat, pero maayos na po ako...”
                “Sa palagay ko’y matutuwa na ang ina mo. Kung buhay siya, ipapangalandakan niya—negosyante na ang anak ko; maganda ang kinabukasan niya ; hindi na siya katulad nang dati. Gusto kong pasalamatan mo ang nanay mo.”
                “Sige po.”
                “Bahala ka kung gusto mong mag-isa ngayong Bagong Taon pero hindi ibig sabihin na pwede kang uminom.”
                “Huwag kayong mag-alala.”
                “Hindi na maaga para mamili para sa Bagong Taon. Isda, manok- kung anu-ano pa. Kung hindi ka marunong magluto, pumunta ka rito at tuturuan kita. Dapat lang na maayos ang bagong taon mo. Pagkatapos, dapat magtrabaho na. Ayusin mo at hahanapan kita ng nobya. Ano sa palagay mo, bata?”
                “Kayo ang masusunod.” Ngumiti siya ngunit matamlay. Ang isang yari sa kahoy at canvass na ambi ay aabot ng sandaan o mahigit pa; kung may tatlong gulong, dagdag na tatlong daan pa mahigit. Wala nang matitira para sa paninda. Hindi pa nga nagsisimula’y kailangan na niyang humugot sa naipon ng kanyang ina. Kinabahan siya dahil wala itong atrasan.
                Isa o dalawang araw bago ang bagong taon, nakakita siya ng kakarag-karag at lumang tatluhang gulong na sasakyan sa East China Gate Consignment Store na 230 Yuan ang halaga. Ayos ang presyo pero napakasama ng kondisyon at di-masasakyan. Mukhang maayos ang balangkas-kahit paano’y napanatili ang hugis; walang gulong pero mapapakinabangan pa rin ang gilid at rayos ng gulong; walang kuliling, walang kadena, at walang tapakan, ngunit may preno at pedal. Hindi siya makapagpasya at pinag-isipan niya ang lahat ng anggulo. Nalibot na niya ang buong bayan. Ang mga bagong sasakyan ay nagsisimula sa apat na raan, wala namang ipinagbibiling umaandar pang segunda mano. Sa isang groseri, nakakita siya ng isang sasakyang yari sa kawayan na mukha namang matibay, ngunit parang may mali rito. Kung magtitinda siya ng damit, kakailanganin niya ang tatluhang gulong—para naman kaaya-ayang tingnan.
                “Gusto mo nito? Para saan?”
                Lumapit ang klerk sa kanya.
                “Kariton para sa mga damit.”
                “Tamang-tama hindi ka magsisi. Kung poste ng telepono, o kongreto. O iba pang katulad. Hindi ko ‘to irerekomenda. Pero para lamang sa ilang tumpok ng damit. Di ka gagastos ng higit sa sandaan sa pag-aayos nito, at puwedeng tumagal pa ng lima, anim na taon.”
                “Bakit di-gumagalaw?”
                “Matigas ang preno. Aayusin ko.”
                Ibinigay ni Huiquan ang pera . at kinaladkad ang walang gulong na sasakyan mula East China Gate patungong Dongsi. At mula roon, papuntang Chaoyong Gate. Dahil sa kanyang natatanging sasakyan, naging sentro siya ng atensyon, bagaman hindi naman nakapipinsala ang mga tingin sa kaniya. Matapos bumili  ng ilang parte sa pagawaan nagbisikleta sa labasan ng Chaoyong Gate Boulevard, tinulak niya ang kanyang sasakyan patungong East Lane ng  kalyeng Spirit Run papasok sa gate ng bilang 18. Ang berdeng bayong na nakasabit sa kalawanging hawakan ng sasakyan ay napuno ng tinimplang baka, dalawang pinakuluang manok, may yelong isda, apat na paa ng manok, at isang bote ng alak—hapunan para sa Bagong Taon.binili niya at madaling nakuha dahil ayaw niyang nakapila at wala naman siya talagang hinahanap para sa kanyang hapunan. Mas iniintindi niya ang kanyang sasakyan, ang kanyang bagong kaibigan, ang kanyang tahimik na kasama.
                Inimbitahan siya ni Tiya Luo para maghapunan, bisperas ng Bagong Taon.dumaan ito habang naglalagare siya ng kahoy, nakalambitin sa bibig ang isang pirasong manok. Tumanggi na muna siya. May naaamoy ang Tiya at iniangat nito ang takip ng palayok. Pinalambot ang paa ng manok sa kumukulong sabaw. Walang makikitang berde—hndi balanseng pagkain. Sira na ang manggas ng kanyang panlamig; puno ng kusotang kanyang sapatos at laylayan ng pantalon; marumi at mahaba ang kanyang buhok. Naawa si Tiya Luo sa kanya ngunit tumanggi pa rin si Huiquan. Ginagamit pa rin niya ang kahoy na iniwan ni Hobo,desididong gumawa ng magandang patungan para sa kanyang sasakyan.
                Bumalik si Tiya Luo upang imbitahan siyang manood ng TV—nakatatawang palabas at iba pang kawili-wiling programa.hindi dapat palampasin. Ngunit umiling siya, hindi man lang tuminag sa kanyang paglalagare.
                “Marami pa po akong gagawin.”
                “Hindi makapaghihintay kahit pagkatapos ng bagong taon.”
                “Mas gugustuhin kong patapusin ninyo ako...”
                “Marami namang panahon. Huwag mong tapusin agad lahat. Di ka dapat magpagod, Bagong Taon pa naman.”
                Sa umpisa, panaka-naka ang mga paputok, ngunit dumalas ang ingay at pagsapit ng hatinggabi, akala mo’y sasabog na ang mundo. Ibinaba ni Huiquan ang lagare at nagsalin ng alak. Matagal ana pinalambot ang paa ng manok kaya halos matanggal na sa buto ang mga laman nito. Tama ang pagkaluto,
Medyo matabang, marahil, kaya nilagyan niya ng kaunting toyo ang plato at isinawsaw niya ang laman dito. At kumain at uminom siya hanggang sa mamanhid ang kanyang panlasa. Maaaninag sa kanyang bintana sa kanyang likod ang pula at berdeng ilaw paminsan-minsan. Karangyaan kahit saan ka lumingon, mula sa mga taong kuntento sa kanilang buhay. Ano ang balak ng milyong taong ito? Ang ang ipinagsasaya nila?
                Siguradong hindi siya kabilang sa kanila. Kung buhay si ina, panahon iyon ng pagbabalot ng dumpling, iyong maliliit na pagkaing pumuputok sa bibig na parang kendi. Gustong-gusto niya iyon. Sa unang Bagong Taon niya sa kampo, pitumpu’t anim ang nakain niya sa isang upuan, hanggang sa mabusog siya nang sobra’t hindi na siya halos makaupo, at ginugol niya ng buong hapon sa paglalakad sa laruan. Gayuman, kahit ang alaalang ito ay hindi nakapagpasaya sa kanya. Malagkit ang mga kamay niya dahil sa pinalambutang paa ng manok at sapin ng malagkit na baboy, at nahihilo na siya dahil sa alak.
                Lumabas siya at tumayo sandali sa  bakuran. Walang lamig, walang hangin. Makulay ang langit; maraming paputok sa lahat ng dako. Ang bakuran, na may mahigit sa pito o walong talampakan ang luwang, tulad ng balon sa lalim ng kumikinang na bughaw na langit. Isang stereo ang bumubuga ng awit, iyong tinig na di maintindihan. naiisip niyang mataba at pangit ang mang-aawit. Nakapanood na siya ng ganito sa TV—magagandang boses at ngiti ngunit pangit ang itsura nila. Kumikisay sila s iskrin, ang mga kilos ay nagpapatingkad lamang sa kanilang  kapangitan at ang mga awit nila’y ginagawang nga sigaw at halinghing. Magagandang babae lamang dapat ang ipiakikita sa TV, subalit maaaring nagkukulang na ng suplay. Bagaman lumalayo na si Huiquan sa mga babae, sumasagi pa rin sa isisp niya ang imahen ng magagandang dalaga. Wala sa mga ito ang kilala niya dahil labo-labo na ang mga ito sa kanyang utak.—malalabong imahen na ang intensyon  ay malinaw at ityak. May mga panahon, natatanging panahon, kung kaialan pinapangarap niyang mapasasayaw niya sa kanyang isip ang mga imahen. Ngunit sa totoong mundo man o sa mundo ng ilusyon ay hindi niya mapasunod ang mga ito, walang magawa, napilitan siyang tanggapin ang kanyang kahinaan.
                Ang isip ni Huiquan ay nabaling sa malalaswang dingding—dingding ng banyo na ang mga sugat ay hindi mabura, ginulping dingding na halos iguho ng malalaswang pag-atake. Kakaiba, malaswang isip at dumi ay kakatuwang napagsasama nang maayos doon, pinupwersa siyang harapin ang maruming katawan na pinipilit niyang itago. Mag-isa sa bisperas ng bagong taon, idinagdag niya ang sarili niyang mga pantasya sa mga naroon sa maruruming dingding. Hindi pala ang mga babae kundi marahil sa sarili pala niya siya naririmarim.
                Sa sarili niyang paraan, inalagaan niya ng kanyang sarili. Magulo, siyempre pa, ngunit gusto niya ang gayon, lihim, ligtas, at di komplikado. Mas maraming mapagtataguan sa kampo kaysa sa bukid kaya nilang bilangin—taniman, maisan, daluyan ng irigasyon, di pa nabubungkal na bukid—na ang tanging nagmamasid sa kanya ay ang langit sa itaas at  ang lupa sa ibaba. Nang naroon na siya,wala na siyang pagtingin kay Xiaofen , kaya wala nang direksyon ang kanyang pagkahumaling. Bahala na. Alam niyang pinaglalaruan siya ng mga demonyo at wala siyang lakas para labanan ito.
                Pagod na siya. Paubos na ang mga pagputok. Ang madalang nang pagputok  ay nagpatingkad sa kalaliman ng gabi. Puno na ang mga tao ng kasiyahan , pagkain, at laro, at oras na para matulog ang lungsod, bago magbukang-liwayway. Wala siyang kasama, at pakiramdam niya’y nawawala siya. Labas sa kanyang mga pantasya, wala siyang makitang babae na karapat-dapat sa kanyang pagmamahal.
                Si Luo Xiaofen , wala na sa kanyang isip, ay hinding-hindi ang babaeng iyon. Hindi pa niya nakikita ito simula nang lumabas siya. Nagbabakasyon ito sa Harbin kasama ng kanyang nobyo, isang assistant sa kolehiyong normal, at isang gradwadong mag-aaral sa matematika si Luo—isang tambalang itinadhana ng langit. Ibinalita ni Tiya Luo, Masaya at nagmamalaki, na magpapakasal na ang dalawa sa Mayo. Si Luo Xiaofen—kababata ni Hiuquan, sabay silang nag-elementarya hanggang gitnang paaralan, ngunit ngayon, wala na siyang pagkakatulad. Nasa Harbin si Luo. Samantalang  siya , nasa kalyeng Spirit Run, sa isang madilim na sulok, gumagawa ng hamak na bagay. Ngunit ito ang tadhana hinahamak siyang lagi sa tadhana.
                Sa unang araw ng bagong ton, pinagkaabalahan niya ang kanyang sasakyan, sa ikalawang araw, inilabas iyon para paandarin. Tuwang-tuwang siya sa mga sisidlang ginaw niya. Nagbisikleta siya para tingnan ang mga pakyawan, para pag-aralan ang mga lokasyon nito. Sa ikalima pa ang nakatakdang pagbubukas ng mga ito, tila pinagkisahan siya. Walang magagawa hanggang sa araw na ito.
                Matapos na sumulat sa instruktor political Xue at ipadala ang liham, dumaan si Huiquan sa isang tindahan ng libro at bumili  ng mga kopya ng Mga multo sa Isang Lumang Sementeryo at Mga Babaeng Ahas. Pagbalik sa bahay, humilata siya’t nagbasa habang kinaing isa-isa ang saging. Nitong mga ang daang araw, nakaubos siya ng isang piling hanggang sa naging madulas ang kanyang bituka at napapapunta sa inidoro buong araw. Maayos naman ang mga libro;  hindi lang siya makaalala ng istorya.kaya’t binabasa niyang muli, at parang bago at kawili-wili pa rin sa ikalawang pagbasa. Matapos niyang basahing muli ang mga libro, itinabi niya ito at ang mga pader ay tila blangko at maputla. Saging pa. Itinuturing na niyang mga gago ang mga awtor. Nakabababato. Gayon pa rin bukas, at may pakialam ba siya? Ano ang pagkakaiba ng malaki at maliit na daga? Parehong pangit; parehong patagu-tago.
                Ibinigay kay Huiquan ang puwesto sa may daanan sa timog ng silangang tulay. Dito ang mga numero ay nakapinta nang puti sa mga ladrilyo na nasa isang mahabang hanay ng tigdadalawang kwadrado-yardang puwesto; ang iba ay okupado, ang iba ay hindi. Matapos niyang ayusin ang kanyang tindahan,tinakpan niya iyon ng ambi at inayos ang kanyang sasakyan para magsilbing harap ng tindahan. Sa bandang kaliwa niya ay ang daanang silangan-kanluran, sa bandang kanan, ang katapat nitong hilaga-timog. Nasa tapat mismo ng pardahan para sa Eastbridge Department Store. Nasa gilid siya ng alimpuyo ng mga tao, parang di humihinto.
                Wala isa man lang na tumingin sa kanyang paninda. Pagod pa sa nagdaang okasyon, ang mga dumaraan ay palaiwas o bugnutin. Ang kanyang designasyon ay timog 025. Hindi magandang puwesto. Siya ang ika-25 tindero ng damit sa isang mahabang yardang lugar. ang mga tindahan ng pagkain ay nasa hilagang bahagi ng kalye, na may di kulang sa anim na nagtitinda ng inihaw na kamote at ilan pang matatandang naglalako ng malamig na dalandan at halos bulok nang saging.
                Napuno ng kulay berde sa kanyang tindahan—isang bunton ng walong kulay-olibong kasuotang pang-army . isinampay niya ang ilan, inilatag ang iba at isinuot ang isa. Niloko siya ng matandang lalaki sa pakyawan. Hindi maitinda ang mga kasuotan, panlamig na angora, at sapatos na gawa sa canvass. Ang naitinda lamang niya nang araw na iyon ay mga angora. Madaling naubos ang dalawang piraso. Mangyari pa, iyon ang pain para sa iba pang paninda. Ang pakyawan ay tres-diyes. Ibinenta niya ang una ng apat na yuan at ang huli, sais-beinte. Walang kinakailangan magturo sa kanya. Natuto siya nang iabot sa kanya ng unang kostumer ang pera; huwag kang matataranta sa pera at kalimutan mo na ang pagiging magalang sumigla siya, sa kung anumang dahilan; kumislap ang mata niya, na napanatag siya. Sa wakas, isang bagay itong may kontrol siya.
                Gusto sana niyang magtago ng isang gora para sa sarili. Para itong Ku Klux Klan na talukbong—mga mata lamang ang makikita—at iyon ang kailangan ng nagtitinda. Pakikiramdam ni Huiquan ay makapangyarihan siya, tulad ng misteryosong matanda na naglalako ng minatamisan na nakatayo sa harap ng East Bridge Department Store, sa dinaraanan mismo ng hangin. Ilang oras na walang imik, walang kibot. May mga kostumer siya—hindi marami kaunti—ngunit hindi na matagalan ni Huiquan na panoorin siya, alam niyang maaari siyang sigawan nito kapag nagpatuloy pa siya.
                “Sapatos na tatak-perfection mula sa Shenzhen Free Economic Zone. Sapatos, tatak-perfection, gawa sa Shenzhen...”
                Nagulat ang mga naglalakad sa sigaw niyang ito. Narinig na niya ang ganitong pagtawag sa gate ng Silangang China at sa Bukanang Gate, ngunit hindi niya alam kung kaya niya ang ganito. Mahirap, sa isip niya; hindi niya kaya. Ngayon, alam na niyang mali siya sa pagtantya sa sarili.
                “mga blusang Batwing! Halikayo rito! Tingnan ninyo!”
                Sa pagkakataong ito, napakasama ng tunog, ngunit tila walang nagulat. Ilan pang Segundo, nasanay na ang mga mamimili sa kanyang kakaibang sigaw. Maipagkakamaling galing sa aso o kotse, at hindi pa rin papansinin ng mga namimili.
                “Mga blusang batwing! Seksi! Seksi! Seksi! Mga babae!”
                Kung makasisigaw lang talaga siya ng kung anong malaswa para mapansin. Buong araw, binantayan niya ang kanyang tindahan. Mula umaga hanggang oras ng hapunan, ngunit wala siyang nabenta, isa man lang panlamig na angora o isang pares ng sapatos kaya—wala maliban sa dalampung angora. Kahit iyon lang, ang may katandaang babae sa kanyang kanan ay naiingit, dahil iyong mas matagal na ito rito, naibenta lamang nito ay pares ng medyas at dalawang panyo. Ang tindahan sa kaliwa ay binabantayan ng isang lalaking dadalawampuin na muntik nang mapaaway sa isang kostumer dahil sa isang jacket na balat. Ang sabi ng kostumer, iyon ay imitasyon; ipinilit ng tindera na tunay iyong balat. Kinusot iyon ng kostumer at iginiit na imitasyon iyon mula sa ibang bansa. Naubos na ang pasensya ng isang tinder. Alam ni Huiquan na tunay iyong balat, ngunit hindi siya nakihalo sa gulo. Walang dahilan para sumangkot. Na ang lalaki ay nag-alok sa kanya ng sigarilyo, tumanggi siya. At siya naman ang nagsindi. Di niya pinansin ang lalaki. Wal siyang balak na mapalapit kaninuman. Kailangang mag-ingat kapag sangkot ang ibang tao.
                Siya ang huli sa mga hanay ng mga tindahan na nagsara ng araw na iyon. Alas nuwebe na, kalahating oras matapos magsara ang Department store, madilim ang paradahan, halos walang nagawa ang mga ilaw sa kalye; wala nang kostumer sa gabi. Nagsasara na rin ang tindahan sa tapat, na binantayan ng dalawang lalaki, ngunit kahit gabing-gabi pa, parang ayaw pa nilang tapusin ang araw; may lungkot at panghihinayang sa kanilang tinig.
                “Medyas na nylon, pasara na! Otsenta sentimos ang isang pares...otsenta sentimos isang pares! Paubos na ang medyas na nylon. Huling tawag! Medyas na nylon...
                Dumaan ang kanilang sasakyan sa gilid ng kalye patungo sa daan, sa direksyon ng tore ng pamilyang Hu. Pumedal ang isang tindera samantalang ang isa ya nakaluhod sa sasakyan at iwinawagayway ang isang pares ng medyas na nylon. Sandali lang ang kanilang lungkot na mabilis na pinalitan ng pambihirang tuwa. Ang kanilang mga tinig—isang mataas, isang mahina—ay iginala ng hangin sa gabi.
                Sa sumusunod na araw ay nakabenta siya ng muffler.
                Sa ikatlong araw ay wala siyang naitinda.
                Sa ikaapat na araw ay wala pang kalahating oras pagbubukas niya ng tindahan, nakabenta siya ng kasuotang pang-army sa apat na karpentero na kababalik lamang sa Beijing mula sa timog. Pagkagaling sa estasyon ng Beijing, tumungo sila sa hardware sa tore ng pamilyang Hu, at nang marating nila ang silangang-tulay, nagkulay talong ang kanilang mga labi dahil sa lamig. Naligtas ang kanilang mga balat ng kasuotang panlamig ni Huiquan, at ang kanilang pera ay mabilis niyang isinilid sa kanayng bulsa. Bago siya nakapagtinda, matamlay niyang hinarap ang negosyo, ngunit nagbigay ng inspirasyon ang pagbili ng mga karpintero. Tiyaga ang susi para sa isang buhay na  matatag. Kahit sa pinakamalalang panahon, walang ibubunga ang mawalan ng pag-asa. Mas mabuting maghintay kaysa  sa umayaw, dahil walang makaaalam kung kailan kakatok ang oportunidad. Hindi naman sa lahat ng pagkakatoan ay malas ka, hindi ba? Nag-iisip si Huiquan.





Katutubong Kulay




sa kuwentong makabanghay, ang binibigyang-diin ng sumulat ay ang pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari o ang madulang pangyayari? Sa kuwento naman ng tauhan, nakapokus ang mga pangyayari sa tauhan upang mabigyan ng kabuuang pag-unawa ang mga mambabasa tungkol sa kanila. Pinapahalagahan naman sa kuwento ng katutubong-kulay ang tagpuan - ang pook/lugar na pinangyarihan ng kuwento. Karaniwan ay maraming paglalarawan tungkol sa pook - hindi lamang pisikal kundi pati na rin ang mga pangkalahatang pag-uugali ng mga tao roon, ang kanilang mga kilos/gawi, mga paniniwala, pamahiin, at pananaw sa buhay.





Panaguri at Paksa

Ang panaguri at paksa ay panlahat na bahagi ng pangungusap. Ang bawat isa sa dalawang
panlahat na mga bahaging ito na maaaring buuin pa ng maliliit na bahagi. Napalalawak ang
pangungusap sa mga maliliit na bahaging ito. Ang mga pampalawak ng pangungusap ay (1) paningit, (2) panuring (pang-uri at pangabay), at (3) pamuno ng mga kaganapan. Tatalakayin lamang natin ang tungkol sa ikalawa. Ang panuring bilang pampalawak ng pangungusap.
Dalawang kategorya ng mga salita ang magagamit na panuring, ang pang-uri na panuring at pangngalan o panghalip at ang pang-abay na panuring sa pandiwa, pang-uri, o kapuwa
pang-abay.
Naririto ang ilang pangungusap na nagpapakita ng pagpapalawak sa pamamagitan ng
pang-uri.
Batayang pangungusap: Si Huiquan ay bilanggo.
1. Pagpapalawak sa pamamagitan ng karaniwang pang-uri:
Si Huiquan na ulila ay bilanggo.
2. Pagpapalawak sa pamamagitan ng pariralang panuring:
a. Si Huiquan na ulila ay dating bilanggo.
b. Si Huiquan na ulila sa mga magulang ay dating bilanggo.
c. Si Huiquan na ulila sa mga magulang ay dating bilanggo sa China.
d. Si Huiquan na ulila sa mga magulang na mahilig magbasa ng aklat ay dating bilanggo
sa China.

3. Pagpapalawak sa pamamagitan ng ibang bahagi ng panalita na gumaganap ng tungkulin
ng pang-uri.
a. Pangngalang ginagamit na panuring:
Si Huiquan na tindero ay dating bilanggo.
b. Panghalip na ginagamit na panuring:
Si Huiquan na tinderong iyon, ay dating bilanggo.
c. Pandiwang ginamit na panuring:
Si Huiquan na tinderong iyon na sumisigaw ay dating bilanggo.
2. Bigyang-halimbawa naman natin ang mga pampalawak na pang-abay.
a. Batayang pangungusap: Umalis si Maciong.
b. Pagpapalawak sa pamamagitan ng pang-abay na pamanahon: Umalis agad si Maciong.
c. Pagpapalawak sa pamamagitan ng pang-abay na pamaraan: Patalilis na umalis agad si Maciong.



PAGNINILAY

Dito sa Aralin 2.4 aming nabasa ang maikling kwento ng Tsina na "Niyebeng Itim"> Kung tutuusin, napakahaba nito, ngunit kinunsidera itong maikling kwento dahil kayang-kaya naman natin itong basahin ng isang upuan lamang.

Dahil sa kapos ang oras para sa pagbabasa nito, pinagawa kami ni Gng. Mixto ng buod. Ito ay nagsilbing aming takdang-aralin.

Si Clarice Mae Ostia ang the chosen one sa pagbubuod nito. Kanya niyang ibinahagi ito sa klase.

Matapos nun ay may sinagutan kaming mga tanong patungkol sa nabasang maikling kwento. Ang Niyebeng Itim ay isang uri ng Kwentong Katutubong Kulay dahil mas binibigyang pansin ang pook/lugar na ginagalawan ng pangunahing tauhan kaysa sa tauhan mismo.

Tsaka namin tinalakay ang pagpapalawak ng pangungusap. Mula sa diskusyon, hindi ko maintindihan kung papaano ba ito, saan ba nanggaling ito? Nakikinig na lang ako, baka kasi sakaling maintindihan ko.

Pinabilugan sa amin ni Gng. Mixto ang mga pampalawak ng ginamit sa pangungusap, ngunit dahil kapos nanaman ng oras, ginawa na lang itong takdang aralin.


Huwebes, Oktubre 2, 2014

Bakit si Sir Timbal?

Sa unang araw ng klase taong panurunan 2013-2014, masaya ang lahat sa pagpasok sa Paaralan. Bagong gamit, bagong mga kaklase, at mga bagong makikilala. Ngunit nagbago ang lahat nang may isang Guro ang naglakad papunta sa harap ng klase. Maituturing na isang kahindik-hindik na sandali iyon sa kasaysayan ng aming buhay. Natahimik ang lahat. Walang gumagalaw, walang humihinga, walang kumukurap. Isang tanong lang naman ang namumutawi sa isip namin nang sandaling iyon. "Bakit si Sir Timbal?"Sa kabila ng lahat ng iyon, bakit nga ba si Sir Timbal pa ang Guro sa aking Sanaysay? Bakit hindi na lang ang iba? Bakit si Sir Timbal pa?


Siya ang natatanging Guro para sa akin dahil sa mga katangian niya na labis sa aki'y nagpahanga. Una, dahil sa kanyang pagiging strikto. Dahil sa pagiging stikto niya, nagagawa kong gumawa ng Takdang Aralin, magbasa ng Module para sa On the Spot Jackpot, nagagawa ko ring paghandaan ang aking iuulat, nagagawa kong pagbutihin ang aking pag-aaral. Pangalawa, dahil siya ay palabiro o masayahing tao sa kabila ng pagiging stikto. Nagagawa niya kaming pasayahin, napupuno ng tawanan, at harutan ang buong klase ng dahil sa kanya. Siya ang guro na marunong makisama, makihalubilo at makibagay sa kanyang mga estudyante. Pangatlo, dahil sa galing niya sa pagtuturo. Agham ang isa sa ayaw kong mga Asignatura, ngunit kinalaunan ay isa na ito sa mga paborito ko. Iyon ay dahilo sa kanya.Pang-apat, dahil sa dedikasyon niya sa trabaho. Ginagawa niya ang lahat ng pwede niyang gawin sa mga leksyon para sa lubusang maunawaan ito ng kanyang mga estudyante. Bumili siya ng Scientific Calculator para lamang ma-compute namin ng tama ang sagot. Nagdala siya n napakaraming kutsarita para lang maisagawa ang isa sa aming mga eksperiment. Mula doon, makikita mo ang adbokasiya niyang maipaintindi ng maayos ang leksyon sa kanyang mga estudyante. Panglima, dahil sa siya ay matulungin. Tinulungan niya kaming mga Officers na ayusin at pagandahin ang aming silid-aralan. Nanggaling pa sa kanya ang mga materyales na aming ginamit para dito.Pang-anim, dahil sa siya ay disiplinadong tao. Sa tikas at tindig pa lang niya sa paglalakad ay makikita na ang disiplina. Kahit sa iba pang mga bagay, tulad nang ayaw niyang nakikitang madumi at magulo ang silid-aralan. Pang-pito, dahil ito sa malasakit niya sa amin. Lahat ng mga bagay na dapat naming malaman ay ipinaaalam niya sa am-
in.Gaya ng kung anong oras ang pasok bukas? Kailan ang Periodiical Test? Anong oras gaganapin ang Palatuntunan? Lahat ng iyon, maaga pa lang ay sinasabi na niya. Pangwalo, dahil ito sa walang sawang suporta na ipinagkaloob niya sa amin. Sa lahat ng kabiguan at tagumpay na dumating sa aming pangkat, hindi siya nawala para suportahan kami. Naramdaman ko ang suporta niya katulad ng suporta ng isang magulang.Matatandaan ko noon, habang kami ay nakasalang sa pagpipresenta ng Tugsayawit, nandun siya nakasuporta sa likuran namin. Sobrang sarap ng pakiramdam na nandyan siya para alalayan kami, nandyan siya para patatagin ang mga loob namin. Higit pa sa kasiyahan ng manalo, ang makitang nandyan siya para suportahan kayo. Handa niyang patatagin ang loob niyo sa kabiguan, at handa niya ipagdiwang ang mga sandali ng tagumpay. Pang-siyam, dahil ito sa walang katapusan niyang pagbibigay ng payo sa amin. Dito ko lubos na hinangaan si Sir Timbal. Dito ko siya lubos na nakilala. Dito ko napagtanto na magkaiba pala ang Teacher sa Adviser. Ang Teacher, nagtuturo ng leksyon tungkol sa kanyang Asignatura. Ang Adviser, nagtuturo ng leksyon tungkol sa mga personal naming problema. Binigyan niya kami ng mga payo na labis na makakatulong sa amin. Ang bawat salita na kanyang binibitawan, lahat yun tumatagos sa puso ko, at lahat yun nilalagay ko sa isip ko. Di siya nagkulang sa mga payo't pangaral sa amin. Sa bawat pag-apak niya sa klase, isang magandang mensahe ang dala niya sa amin. Busog na busog kami sa bawat mensaheng iyon. Magpasa hanggang ngayon, hinahanap-hanap ko ang advice ni Sir Timbal. At ang pang-sampu, yun ay dahil sa pagmamahal na ipinaramdam niya sa amin. Hindi magiging posible ang lahat ng ito kung walang pagmamahal. Minahal niya kami at itinuring bilang mga tunay na anak. 

Napakaswerte ko dahil isa ako sa mga naging estudyante niya. Maituturing kong isang malaking biyaya ang magkaroon ng Guro na katulad ni Sir Timbal. Gusto kong magpasalamat sa lahat ng pagmamahal, suporta, malasakit, pag-aaruga, at pagpapasaya niya sa amin. Kung may babalikan man ako sa nakaraan na gusto kong mangyari sa kasalukuyan. Iyon ay ang bumalik ako sa 8-Tipulo kasama ng aking mga kaklase at syempre, ng aking Guro na si Mr. Fernando Timbal.

Happy Teacher's Day po :)

Photo Credit to Mr Fernando Timbal


Aralin 2.3 Sanaysay ng Taiwan

Dito sa Aralin 2.3 naglakbay kami sa bansang Taiwan. Wala akong ideya kung ano man ang aming tatalakayin dito dahil wala naman akong masyadong alam sa bansang Taiwan. Ang alam ko lang ay dito nanggaling ang kinababaliwan kong palabas na "Meteor Garden". Yun lamang at wala nang iba.

Ngunit nang amin ng nga itong natalakay. Marami na akong nalaman. Kaugnay dito ang sanaysay na pinamagatang "Ang Kababaihan ng Taiwan: Ngayon at Noong Nakalipas ng 50 Taon" Kasama dito ang awit na pinamagatang "Dalagang Pilipina" na may koneksyon sa sanaysay. Ang isa pang akda ay pinamagatang "Pagbibigay Kapangyarihan sa Kababaihang Pilipino sa Pamamagitan ng Estadistikang Kasarian" na galing naman sa atin. Bukod sa mga akda, pinag-aralan naman natin ang Sanaysay at Pangatnig.





“Dalagang Pilipina” 
isinulat ni Jose Corazon De Jesus at sa musika ni Jose G. Santos.

Ang dalagang Pilipina, parang tala sa umaga 
Kung tanawin ay nakaliligaya
May ningning na tangi at dakilang ganda 
Maging sa ugali, maging sa kumilos 
mayumi, mahinhin, mabini ang lahat ng ayos 
Malinis ang puso maging sa pag-irog 
may tibay at tining ng loob 
Bulaklak na tanging marilag, 
ang bango ay humahalimuyak
Sa mundo’y dakilang panghiyas, 
pang-aliw sa pusong may hirap. 
Batis ng ligaya at galak, 
hantungan ng madlang pangarap. 
Iyan ang dalagang Pilipina, 

karapat-dapat sa isang tunay na pagsinta.





ANG KABABAIHAN NG TAIWAN, NGAYON AT NOONG NAKARAANG 50 TAON
Isinalin sa Filipino ni Shiela C. Molina



Ang bilang ng populasyon ng kababaihan sa mundo ay 51% 0 2% na mataas kaysa kalalakihan. Maaaring isipin ng ilan na ang kababaihan ay nakakukuha ng parehong pagkakataon at karapatan gaya ng kalalakihan. Ilang kababaihan lamang ng buong mundo ang nakakukuha ng pantay na karapatan at paggalang tulad ng kalalakihan. Ang tungkulin at kalagayan ng kababaihan ay unti-unting nagbabago sa nakalipas na 50 taon. Ito ay makikita sa dalawang kalagayan: una ang pagpapalit ng gampanin ng kababaihan at ikalawa ay ang pag-unlad ng kanilang karapatan at kalagayan. Nakikita ito sa Taiwan.

Ang unang kalagayan noong nakalipas na 50 taon, ang babae sa Taiwan ay katulad ng kasambahay o housekeeper. Ang tanging tungkulin nila ay tapusin ang hindi mahahalagang gawaing-bahay na hindi natapos ng kanilang asawa. Ang mga babae ay walang karapatang magdesisyon dahil sa kanilang mababang kalagayan sa tahanan.
           
 Ngayon, nabago na ang tungkulin ng mga babae at ito ay walang naging kumplikado. Sa bahay ng mga Taiwanese, sila pa rin ang may pananagutan sa mga gawaing-bahay. Ngunit sa larangan ng trabaho, inaasahang magagawa nila kung ano ang nagagawa ng kalalakihan. Sa madaling salita, dalawang mabibigat na tungkulin ang nakaatang sa kanilang balikat.

           
 Ang ikalawang kalagayan ay pinatutunayan ng pagtaas ng kanilang sahod, pagkakataong makapag-aral, at mga batas na nangangalaga sa kanila. Karamihan sa mga kumpanya ay nagbibigay ng halaga sa kakayahan ng  babae at ang kinauukulan ay handang kumuha ng  mga babaeng may kakayahan at masuwelduhan ng mataas. Tumataas ang pagkakataon na umangat ang babae sa isang kumpanya at nakikita na ring may mga babaeng namamahala. Isa pa, tumaas ang pagkakataon para sa mga babae pagdating sa edukasyon. Ayon sa isang estadistika mula sa gobyerno, higit na mataas ang bilang ng mga babaing nag-aaral sa kolehiyo kung ihahambing sa kalalakihan makalipas ang 50 taon.
            
At ang huling kalagayan ay ang pagbabago ng mga batas para sa pangangalaga sa kababaihan ay nakikita rin. Halimbawa, sa Accton Inc., isa sa mga nangungunang networking hardware manufacturer sa Taiwan, ginawa nang isang taon ang maternity leave sa halip na 3 buwan lamang. ang gobyerno ng Taiwan ay gumagawa ng batas sa pagkakaroon ng pantay na karapatan upang higit nilang mapangalagaan ang kababaihan.     
            
Bilang pagwawakas, naiiba na ang gampanin ng mga babae at higit itong mapanghamon kung ihahambing noon. Ang kanilang karapatan at kahalagahan ay binibigyan na ng pansin. Ngunit hindi ito nangangahulugan na ang mga babae ay tumatanggap na  ng pantay na posisyon at pangangalaga sa lipunan. Mayroon pa ring kumpanya na hindi makatarungan ang pagtrato sa mga babaing lider nito. Marami pa ring kalalakihan ang nagbibigay ng mabigat na tungkulin sa kanilang asawa sa tahanan. Ito ay matuwid pa rin sa kanila. Marami pa ring dapat magbago sa kalagayan ng kababihan sa Taiwan at malaki ang aking pag-asa na makita ang ganap at pantay na karapatan nila sa lipunan.







Sanaysay


Ang Sanaysay ay isang matalinong pagkukuro ng sumulat tungkol sa isang paksa? Ito ay 
isang genre o sangay ng panitikan na nasusulat sa anyong tuluyan na maaaring tumalakay 
sa anumang isyu sa kapaligiran maging tao, hayop, pook, pangyayari, bagay, at guni-guni.

Ayon kay Alejandro Abadilla, ang sanaysay ay pagsasalaysay ng isang sanay. Kaya’t ang 
sinumang susulat nito ay nangangailangan na may malawak na karanasan, mapagmasid sa 
kapaligiran, palabasa, o nagsasagawa ng pananaliksik tungkol sa paksang napiling isulat. 
Nararapat na magpokus sa isang paksa lamang at maghanda ng balangkas upang magkaroon 

ng kaisahan ang daloy ng mga ideya. 

Tinatawag na mananalaysay ang manunulat ng sanaysay. Kinakailangan ng masinig na pag-aaral at kasanayan ng sinumang susulat nito. Katunayan, kabilang sa matatawag na sanaysay 
ang mga akdang pandalub-aral gaya ng tesis, disertasyon, pamanahong papel, at panunuri, 
at ang mga sulating pampamahayagan gaya ng tanging lathalain.









PAGBIBIGAY KAPANGYARIHAN SA KABABAIHANG PILIPINO
SA PAMAMAGITAN NG ESTADISTIKANG KASARIAN



“Babae, pasakop kayo sa inyong asawa, “ isang pahayag na hinango sa Banal na Aklat at naging panuntunan ng balana rito sa daigdig sa lahat ng panahon.
           
 Lahat ng bagay ay nagbabago kaya nga walang permanente sa mundo. Ang dating kiming tagasunod lamang ay natutong tumutol laban sa karahasan sapagkat hindi na matanggap ang dinaranas na kaapihan. Kaniyang ipinaglaban ang sariling karapatan upang makapagpasiya sa sarili. Lakas-loob din niyang hiningi ang karapatang maisatinig ang matagal nang nahimbing na pagnanasang maging katuwang hindi lamang sa tahanan kundi maging sa paghubog ng lipunan para sa isang maunlad, matahimik at kaaya-ayang kinabukasan.
            
Sa ngayon, ang kababaihan ay unti-unti na ring napahalagahan. Hindi man ito maituturing na ganap dahil sa patuloy na mga karahasang pantahanan na pawang mga kababaihan ang nagiging biktima. Ang sexual harassment na madalas na daing ng mga kababaihan ang nagdaragdag sa mga suliraning pambansa.
            
Ang babae ay katuwang sa pamumuhay. Hindi sila katulong na tagasunod sa lahat ng mga ipinag-uutos ng ilang mag-aastang “Panginoon.” Sila’y karamay sa suliranin at kaagapay sa mga pangyayaring nagdudulot ng pait sa bawat miyembro ng pamilya.
           
 Tunay na ang mga kababaihan ay hindi lamang kasama kundi kabahagi sa pagpapaunlad ng bayan sa lahat ng panahon.
           
 Marami na ring samahan ang itinatag upang mangalaga at magbigay-proteksyon sa mga kababaihan. Ilan sa mga ito ay Gabriela, Tigil-bugbog Hotline at marami pang iba. Patuloy ang mga samahang ito sa pakikibaka upang sugpuin ang patuloy na diskriminasyon sa pagitan ng kalalakihan at kababaihan. Layunin nilang mabigyan ng edukasyon at kamulatan sa mga karapatang dapat ipakipaglaban ng mga kababaihan.








Pangatnig


Pangatnig ang tawag sa mga kataga o salitang nag-uugnay ng dalawang salita, parirala, o 
sugnay na pinagsusunod-sunod sa pangungusap. Halimbawa: Layunin nilang mabigyan 
ng edukasyon at kamulatan sa mga karapatang dapat ipakipaglaban ng mga kababaihan.
Ang pangatnig na at ay nag-uugnay ng mga salitang edukasyon at kamulatan.
Sila’y karamay sa suliranin at kaagapay sa mga pangyayaring nagdudulot ng pait sa 
bawat miyembro ng pamilya. Ang pangatnig na at ay nag-uugnay ng dalawang sugnay. 
Ang unang sugnay ay sila’y karamay sa suliranin. Ang ikalawang sugnay ay kaagapay 
sa mga pangyayaring nagdudulot ng pait sa bawat miyembro ng pamilya.
May dalawang panlahat na pangkat ng mga pangatnig: (1) yaong nag-uugnay ng 
magkatimbang na yunit (2) yaong nag-uugnay ng di-magkatimbang na yunit.
Sa unang pangkat, kabilang ang mga pangatnig na at, pati, saka, o, ni, maging, ngunit, 
subalit, atbp. Ang mga pangatnig na ito ay nag-uugnay ng mga salita, parirala, at sugnay 
na magkatimbang o mga sugnay na kapuwa makapag-iisa.
Sa ikalawang pangkat naman ay kabilang ang mga pangatnig na kung, nang, bago, 
upang, kapag o pag, dahil sa, sapagkat, palibhasa, kaya, kung gayon, sana, atbp. Ang 
mga pangatnig na ito ay nag-uugnay ng dalawang sugnay na hindi timbang, na ang 
ibig sabihin ay pantulong lamang ng isang sugnay.






PAGNINILAY


Inatasan kami ni Gng. Mixto na magsaliksik tungkol sa bansang Taiwan at magkaroon ng kopya ng kanilang sanaysay.


Nagkaroon muna kami ng talakayan patungkol sa Taiwan tsaka naman na kami dumiretso sa sanaysay. Amin itong binasa. Nagkaroon uli ng talakayan patungkol sa aming binasa. Nagbigay si Gng. Mixto ng takdang-aralin na kami ay suslat ng sanaysay tungkol sa kaibahan ng dalagang Pilipina noon sa ngayon.


At dahil sa sanaysay din naman ang pinag-uusapan, amin na rin itong tinalakay. Kaugnay nito ay nagkaroon kami ng pangkatan. Napunta sa aming grupo ang Gawain 3. Gagawa kami ng Hierarchy Pyramid at sa bawat palapag nun, isusulat namin ang mga impormasyong aming nakalap sa binasang sanaysay mula sa pinakaimportante patungong importante.


Pagkatapos ng Sanaysay, tinalakay din namin ang pangatnig na nag-uugnay sa magkatimbang at di magkatimbang. Nagkaroon kami ng maikling pagsusulit tungkol dito.


Bukod sa mga pagsusulit, pinagawa rin kami ng editorial na pumapaksa sa mga larawang ipinakita sa amin ni Gng. Mixto. Bibilugan namin lahat ng pangatnig na aming nagamit. Karamihan sa amin ay pinili ang larawan ng mga batang yagit na natutulog sa hagdanan. Ito ay pumapaksa sa kahirapan. Ibinahagi ng iba kong kaklase ang kanilang gawa sa klase.










Aralin 2.2 Pabula ng Korea

Sa Aralin 2.2 aming pinuntahan ang bansang Korea. Ang bansa kung saan naroon ang tinatawag nating mga K-POP stars na labis na kinababaliwan ng mga babae kong kaklase. Ngunit hindi ito ang pakay namin doon.

Tinalakay namin sa dito ang tungkol sa kanilang pabula na pinamagatang "Ang Hatol ng Kuneho". Kasabay noon, ang amin ding pinag-aralan ang paggamit ng modal at mga uri nito.





ANG HATOL NG KUNEHO
Salin sa Filipino ni Vilma C. Ambat



Noong unang panahon, nang ang mga hayop ay nakapagsasalita pa, may isang tigreng naghahanap ng pagkain sa gubat. Sa kanyang paglillibot, nahulog siya sa napakalalim na hukay. Paulit-ulit na sinubukan ng tigre ang makaahon, subalit siya ay nabigo. Sumigaw siya nang sumigaw upang humingi ng tulong subalit walang nakarinig sa kanya.
Kinabukasan, muling sumigaw ang tigre upang humingi ng tulong hanggang mapaos. Gutom na gutom  at hapung-hapo na ang tigre. Lumupasay na lamang siya sa lupa. Naisip niyang ito na ang kanyang kamatayan. Walang anu-ano ay nakarinig siya ng mga yabag. Nabuhayan siya ng loob at agad na tumayo. “tulong! Tulong!” muli siyang sumigaw.
“Ah! Isang tigre!” sabi ng lalaki habang nakadungaw sa hukay.
“Pakiusap! Tulungan mo akong makalabas dito,” pagmamakaawa ng tigre.” Kung tutulungan mo ako, hindi kita makalilimutan habambuhay.”
Naawa ang lalaki sa tigre subalit naisip niyang baka kainin siya nito. “Gusto sana kitang tulungan subalit  nangangamba ako sa maaaring mangyari. “Patawad! Ipagpapatuloy ko na ang aking paglalakbay.” wika ng lalaki at nagpatuloy sa paglalakad.
“Sandali! Sandali! Huwag mong isipin iyan,” pakiusap ng tigre. “Huwag kang mag-alala, pangako hindi kita sasaktan. Nagmamakaawa ako, tulungan mo ako. Kapag ako ay nakalabas dito tatanawin kong malaking utang na loob!”
Tila labis na nakakaawa ang tinig ng tigre kaya bumalik ang lalaki upang tulungan ito. Nakahanap siya ng troso at dahan-dahan niyang ibinaba sa hukay. “Gumapang ka rito,” sabi ng lalaki.
Gumapang ang tigre sa troso hanggang makaahon sa hukay. Nakita ng tigre ang lalaking  tumulong sa kanya. Naglaway ang tigre at naglakad paikot sa lalaki.
“Sandali!” hindi ba nangako ka  sa akin na hindi mo ako sasaktan? Ito ba ang paraan mo ng pagpapasalamat at pagtanaw ng utang na loob?” sumbat ng lalaki sa tigre.
Wala na akong pakialam sa pangakong iyan dahil nagugutom ako! Hindi ako kumain nang ilang araw!” tugon ng tigre.
“Sandali! Sandali!” Ang pakiusap ng lalaki. “Tanungin natin ang puno ng Pino kung tama bang kainin mo ako.”
“Sige,” ang wika ng tigre. “Pero pagkatapos natin siyang tanungin, kakainin na kita. Gutom na gutom na ako.”
Ipinaliwanag ng tigre at ng lalaki sa puno ng Pino ang nangyari.
“Anong alam ng tao sa pagtanaw ng utang na loob?” tanong ng puno ng Pino. “Bakit ang mga dahon at sanga namin ang kinukuha ninyo upang mapainit ang inyong mga tahanan at maluto ang inyong pagkain? Mga taon ang ibinibilang namin upang lumaki. Kapag kami’y malaki na pinuputol ninyo kami. Ginagamit ninyo kami sa pagtatayo ng inyong mga bahay at pagpapagawa ng inyong mga kasangkapan. At isa pa, tao rin ang humukay ng butas na iyan. Utang na loob! Huwag ka nang mag dalawang isip, Tigre. Sige pawiin mo ang iyong gutom.”
“O, anong masasabi mo doon?” Tanong ng tigre habang nananakam at nginungusuan ang lalaki.
Sa mga sandaling iyon ay dumaan ang isang baka, “Hintay! Hintay!” pakiusap ng lalaki. “Tanungin natin ang baka sa kanyang hatol.”
Sumang-ayon ang tigre at ipnaliwanag nila sa baka ang nangyari. Hiniling ng dalawa ang opinyon ng baka.
“Sa ganang akin, walang duda sa kung ano ang dapat gawin,” wika ng baka sa tigre, “dapat mo siyang kainin! Tingnan mo, mula nang kami ay maisilang naglilingkod na kami sa mga tao. Kaming mga baka ang nagbubuhat ng mabibigat nilang dalahin. Inaararo namin ang bukid upang makapagtanim sila. Subalit, ano ang ginagawa nila kapag kami ay tumanda na...pinapatay kami at ginagawang pagkain! Ginagamit nila ang aming balat sa paggawa ng kung anu-anong bagay. Kaya huwag mo akong tanungin tungkol sa pagtanaw ng utang na loob. Kainin mo na ang taong iyan.”
“Tingnan mo, lahat sila ay sumasang-ayon sa akin. Kaya humanda ka na sa iyong kamatayan!” Wika ng tigre habang bumubuwelo upang sakmalin ang lalaki.
Alam na ng lalaki na ito na nga ang kanyang katapusan. Nang biglang dumating ang lumulukso-luksong kuneho.
“Sandali! Tigre! Sandali!” sigaw ng lalaki.
“Ano na naman!” singhal ng tigre.
“Pakiusap bigyan mo pa ako ng isa pang pagkakataon. Tanungin natin ang kuneho para sa kanyang hatol kung dapat mo ba akong kainin.”
Ah! Walang kuwenta! Alam mo ang sagot niya. Pareho lang sa sagot ng puno ng Pino at ng baka.”
“Pakiusap, parang awa mo na!” pagsusumamo ng lalaki.
“O sige, pero huli na ito. Gutom na gutom na ako!” sagot ng tigre.
Isinalaysay ng tigre at ng lalaki ang nangyari, matamang nakinig ang kuneho. Ipinikit ang kanyang mga mata at ipinagalaw ang kanyang mahabang tainga. Pagkalipas ng ilang sandali, muli niyang idinilat ang kanyang mga mata. Malumanay at walang ligoy na nagsalita ang kuneho. “Naiintindihan ko ang iyong isinalaysay. Subalit kung ako ang magpapasya at magbibigay ng  mahusay na hatol dapat tayong magtungo sa hukay. Muli ninyong isasalaysay sa akin ang nangyari. Ituro ninyo sa akin ang daan patungo doon,” wika ng kuneho.
Itinuro ng tigre at ng lalaki ang hukay sa kuneho. “Tingnan natin, sabi mo nahulog ka sa hukay at ikaw naman ay nakatayo dito sa itaas,” wika ng kuneho sa tigre at sa lalaki. “ pumunta kayo sa mga posisyon ninyo noon, upang mapag-isipan ko pang mabuti ang aking hatol.”
Tumalon  agad ang tigre nang hindi nag-iisip. Ang nais lamang niya ay matapos agad ang usapan nang makain na niya ang tao. “Ah! Ganito ang kalagayan ninyo noon. Ikaw , tigre ay nahulog sa hukay at hindi makaahon. Ikaw naman lalaki, narinig mo ang paghingi ng saklolo kaya tinulungan mo ang tigre. Ngayon maaari na akong magbigay ng hatol. Ang problemang ito ay nagsimula nang tulungan ng tao ang tigreng makalabas sa hukay,” paliwanag ng kuneho na tila may ibang kausap. “Sa ibang salita, kung ang tao ay hindi nagpakita ng kabutihan at iniwan ang tigre sa hukay, walang naging problema. Kaya naisip ko na magpatuloy ang tao sa kanyang paglalakbay at dapat na manatili ang tigre sa hukay. Magandang umaga sa inyong dalawa! Wika ng matalinong kuneho at nagpatuloy sa kanyang paglukso.





ANG KALIGIRANG PANGKASAYSAYAN NG PABULA SA KOREA



Ang mga hayop ay hindi lamang mga nilikhang gumagala sa kapatagan at kabundukan. Ang mga ito ay may simbolong ugnayan sa bansa at sa mga mamamayan nito. Sa Korea, mahalaga ang ginagampanan ng mga hayop sa kanilang mitolohiya at kuwentong bayan. Ayon sa kanilang paniniwala, noong unang panahon daw ay may isang tigre at oso na nagnanais na maging tao. Nang bumaba sa lupa ang kanilang diyos na si Hwanin (diyos ng kalangitan) ay humiling ang isang tigre at isang oso na maging tao. Ang sabi ni Hwanin ay magkulong sa kuweba ang dalawa sa loob ng 100 araw. Dahil sa marubdob na pagnanasang maging tao ay sumunod sa ipinag-uutos ang dalawa. Pagkalipas lamang ng ilang araw ay agad ding lumabas ang tigre subalit nanatili sa loob ng kuweba ang oso. Pagkalipas ng 100 araw ay may isang napakagandang babae ang lumabas ng kuweba. Ang babae ay natuwa sa kanyang itsura at kinausap muli si Hwanin. Nagpasalamat siya sa diyos at muling humiling na sana ay magkaroon siya ng anak. Pinababa sa lupa ng diyos ang kanyang anak na si Hwanung (anak ng diyos ng kalangitan) at ipinakasal  sa babae. Sila’y nagkaanak at pinangalanang Dangun. Si Dangun ay naging hari. Pinaniniwalaang dito nagsimula ang pagkakaroon ng simbolong hayop ang iba’t ibang dynasty sa Korea.








ANO ANG PABULA?


Ang pabula ay isa sa mga sinaunang panitikan sa daigdig. Noong ika-5 at ika-6 na siglo bago si Kristo, may itinuturing nang pabula ang mga taga-India. Ang karaniwang paksa ng mga pabula ay tungkol sa buhay ng itinuturing na dakilang  tao ng mga sinaunang Hindu, si Kasyapa.
Lalong napatanyag ang mga ganitong kuwento sa Gresya. Si Aesop ang tinaguriang “Ama ng mga Sinaunang Pabula” dahil sa napabantog niyang aklat, ang Aesop’s Fable.
Ang pabula ay isang maikling kuwentong kathang-isip lamang. karaniwang isinasalaysay sa mga kabataan para aliwin gayun din ang magbigay ng pangaral. Ang mga tauhan ng kuwento ay pawang mga hayop. Mga hayop na kumakatawan o sumasagisag sa mga katangian o pag-uugali ng tao. Ang ahas halimbawa ay karaniwan nang nangangahulugan ng isang taong taksil. Ang pagong, makupad. Ang kalabaw, matiyaga. Ang palaka, mayabang. Ang unggoy o matsing, isang tuso. Ang aso, matapat. Marami pang hayop ang may ibang pagpapakahulugan. Sa mga bagay naman, ang rosas ay kumakatawan sa babae at sa pag-ibig. Ang bubuyog sa isang mapaglarong manliligaw.
Itinuturo ng pabula ang tama, patas, makatarungan, at makataong ugali at pakikitungo sa ating kapwa. Ang mga pabula ay lumaganap dahil sa magagandang  aral sa buhay na ibinibigay nito.






Narito naman ang pabula na nanggaling sa atin. Ito'y pinamagatang "Nagkamali ng Utos"





NAGKAMALI NG UTOS



Sa malayong kaharian ng mga tutubi ay may naninirahang isang prinsesang tutubi. Siya’y bugtong na anak nina Haring Tubino at Reyna Tubina ng kahariang  Matutubina. Mahal na mahal ng hari at reyna ang anak nila. Sinasabing ipaglalaban ng buong kaharian ang anumang kaapihan ni Prinsesa Tutubi.
Si Prinsesa Tutubi ay mahilig mamasyal at magpalipad-lipad sa papawirin. Lagi niyang kasa-kasama ang kanyang mga piling dama at mga tagasubaybay na mangyari pa ay pawang mga tutubi rin.
Isang araw, naisipan niyang lumipad patungo sa labas ng kaharian. Ibig niyang alamin kung ano ang daigdig sa labas ng kanilang kaharian. Tumakas siya sa kanyang mga dama at tagasubaybay. Mag-isa niyang nilakbay ang malawak na papawirin.
Maligayang-maligaya si Prinsesa Tutubi. Umaawit-awit pa siya sa kanyang paglipad. Wiling-wili siya sa lahat ng kanyang nakikita. Totoong nalibang si Prinsesa Tutubi at hindi niya napansin ang pamumuo ng maiitim na ulap sa papawirin.
Huli na nang ito ay mapuna ni Prinsesa Tutubi. Mabilis man siyang lumipad pabalik sa kaharian ay inabutan din siya ng malakas na ulan.
“Titigil muna ako sa punong kahoy na ito.” Ang sabi sa sarili ng prinsesa.
Ngunit sa punong kahoy pala namang iyon ay maraming mga matsing. Pinaalis nilang pilit ang nakasilong na tutubi. Bawat dapuang sanga ni Prinsesa Tutubi ay niyuyugyog  ng mga matsing. Hindi lamang iyon. Pinagtawanan pa nila ang prinsesa
“Kra-kra-kra! Nakakatawa. Malaki pa sa kanyang tuhod ang kanyang mga mata,” ang malakas na sabi ng isa. Sinundan ito ng malakas na hagikgikan ng mga matsing.
Sa laki ng galit ni Prinsesa Tutubi umuulan pa ay umalis na siya sa punong kahoy na iyon at lumipad pauwi sa palasyo. Tuloy-tuloy siya sa silid ng kanyang amang hari. Kanyang isinumbong kay HaringTubino ang mga matsing. Laking galit ng hari. Nagpatawag agad ang hari ng isang kawal.
“Pumunta ka ngayon din sa kaharian ng mga matsing,” ang utos niya sa kawal. “Sabihin mong dahil sa ginawa nila sa aking anak na prinsesa, gusto kong hamunin ang kaharian ng mga matsing sa isang labanan.”
Mabilis na lumipad ang inatasang kawal. Pagdapo niya sa kaharian ng mga matsing ay walang paligoy-ligoy niyang sinabi ang kanyang pakay, malakas na tawanan ng mga matsing ang naging sagot sa pahayag ng kawal na tutubi.
“Mga tutubi laban sa mga matsing! Ha-ha-ha!” muling nagtawanan ang mga matsing. “Nakakatawa, ngunit pagbibigyan naming ang iyong hari,” ang sabi ng  pinuno. “ang mga matsing laban sa tutubi!” nagtawanan muli ang mga matsing.
“Kailan at saan gaganapin ang labanan?” ang tanong ng pinuno.
“Bukas ng umaga sa gitna ng parang! Ang tugon ng kawal.
“Magaling ! Bukas ng umaga sa gitna ng parang, kung gayon, ang masiglang pag-ulit ng matsing sa sinabi  ng tutubi.
Bumalik sa kanilang kaharian ang kawal na tutubi at ibinalita sa Haring Tubino ang naging katugunan ng mga matsing.
Kinabukasan naroroon na sa isang panig ng parang ang hukbo ng mga matsing. Anong daming matsing. Waring ang buong kamatsingan ay naroroon at pawang sandatahan. Bawat isa ay may dalang putol na kahoy na pamukpok.
Nasa kabilang panig naman ng parang ang makapal na hukbo ng mga manllilipad na tutubi.
“kailangang pukpukin ninyo ang bawat makitang tutubi,” ang malakas na utos ng haring matsing.
Sa kabilang dako naman ay ibinigay na rin ng pinuno ng mga tutubi ang kanyang utos. “Dapat nating ipaghiganti ang kaapihan ng Prinsesa Tubina. Kailangang magbayad ang mga matsing. Dumapo sa ulo ng mga matsing. Kapag may panganib ay dagling lumipad,” ang malinaw at marahan niyang utos.
Nagsalubong sa gitna ng parang ang mga manlilipad na tutubi at ang hukbo ng sandatahang matsing. Buong-buo ang pagtitiwala ng mga sandatahang matsing sa kanilang sandatang pamukpok. Matatapang din namang sumunod ang mga kawal na tutubi palibhasa ay nais nilang ipaghiganti ang kaapihan ng prinsesa at ng buong kahariang Matutubina.
Nagsimula ang labanan. Dapo at lipad, dapo at lipad ang mga tutubi. Pukpok dito, pukpok doon naman ang mga matsing. Kung tatanawin buhat sa malayo ang labanan, ay wari bang matsing laban sa matsing. Nakita ng pinuno ng mga matsing pangyayari. Nagkamali siya ng utos. Hindi nalaman agad na sa ulo pala ng kanyang mga kawal darapo ang maliliksing tutubi. Babaguhin sana niya ang kanyang utos, subalit huli na ang lahat. Isang kawal na matsing ang pilit na pinukpok pa ang tutubi sa ulo ng pinunong matsing. Kaya’t nang matapos ang labanan ay nakabulagtang lahat ang mga matsing. Samantala walang sinumang tinamaan sa mga mabibilis umiwas at lumipad na mga tutubi. Naipaghiganti nila ang pagkaapi ng kanilang prinsesa at ng buong kahariang Matutubina.


Pagkatapos naming mabasa at matalakay ang dalawang akda. Dumiretso na kami sa pagtalakay ng Modal.




MODAL


Ang modal ay tinatawag na malapandiwa? Ginagamit ang mga ito na pantulong sa pandiwang 
nasa panaganong pawatas. Ang mga ito ay ginagamit bilang panuring na may kahulugang 
tulad ng pandiwa. Ang mga modal ay mga pandiwang hindi nagbabago, limitado kapag 
binanghay, o walang aspekto. 
Mga Halimbawa: ibig, nais, gusto, kailangan
Gamit ng modal:
1. Bilang malapandiwa
Gusto niyang makaahon sa hukay.
Ibig ng puno at ng baka na kainin ng tigre ang tao.
 (Ang gusto at ibig ay ginamit bilang malapandiwa subalit di tulad
 ng ganap na pandiwa wala itong aspekto.)
2. Bilang panuring na may kahulugang tulad ng pandiwa
Gusto niyang maglakbay muli.
 (Ang salitang gusto ay nagbibigay turing sa salitang maglakbay
 na isang pandiwang nasa anyong pawatas.)
Ibig ng kuneho na makita ang hukay kung saan nahulog ang tigre.
 (Ang salitang ibig ay modal na nagbibigay turing sa salitang 
makita na isang pawatas.)
Narito ang mga uri:
1. Nagsasaad ng pagnanasa, paghahangad, at pagkagusto
Mga Halimbawa: Gusto kong mamitas ng bayabas.
 Ibig kong matupad mo ang iyong pangarap sa buhay.
2. Sapilitang pagpapatupad
Halimbawa: Dapat sundin ang sampung utos ng Panginoon.
3. Hinihinging mangyari
Halimbawa: Kailangan mong magpursigi sa iyong pag-aaral.
4. Nagsasaad ng posibilidad
Halimbawa: Maaari ka bang makausap mamaya?

Puwede kang umasenso sa buhay.













PAGNINILAY