Tinalakay namin sa dito ang tungkol sa kanilang pabula na pinamagatang "Ang Hatol ng Kuneho". Kasabay noon, ang amin ding pinag-aralan ang paggamit ng modal at mga uri nito.
ANG HATOL NG KUNEHO
Salin sa Filipino ni Vilma C. Ambat
Noong unang panahon, nang ang mga hayop ay nakapagsasalita pa, may isang tigreng naghahanap ng pagkain sa gubat. Sa kanyang paglillibot, nahulog siya sa napakalalim na hukay. Paulit-ulit na sinubukan ng tigre ang makaahon, subalit siya ay nabigo. Sumigaw siya nang sumigaw upang humingi ng tulong subalit walang nakarinig sa kanya.
Kinabukasan, muling sumigaw ang tigre upang humingi ng tulong hanggang mapaos. Gutom na gutom at hapung-hapo na ang tigre. Lumupasay na lamang siya sa lupa. Naisip niyang ito na ang kanyang kamatayan. Walang anu-ano ay nakarinig siya ng mga yabag. Nabuhayan siya ng loob at agad na tumayo. “tulong! Tulong!” muli siyang sumigaw.
“Ah! Isang tigre!” sabi ng lalaki habang nakadungaw sa hukay.
“Pakiusap! Tulungan mo akong makalabas dito,” pagmamakaawa ng tigre.” Kung tutulungan mo ako, hindi kita makalilimutan habambuhay.”
Naawa ang lalaki sa tigre subalit naisip niyang baka kainin siya nito. “Gusto sana kitang tulungan subalit nangangamba ako sa maaaring mangyari. “Patawad! Ipagpapatuloy ko na ang aking paglalakbay.” wika ng lalaki at nagpatuloy sa paglalakad.
“Sandali! Sandali! Huwag mong isipin iyan,” pakiusap ng tigre. “Huwag kang mag-alala, pangako hindi kita sasaktan. Nagmamakaawa ako, tulungan mo ako. Kapag ako ay nakalabas dito tatanawin kong malaking utang na loob!”
Tila labis na nakakaawa ang tinig ng tigre kaya bumalik ang lalaki upang tulungan ito. Nakahanap siya ng troso at dahan-dahan niyang ibinaba sa hukay. “Gumapang ka rito,” sabi ng lalaki.
Gumapang ang tigre sa troso hanggang makaahon sa hukay. Nakita ng tigre ang lalaking tumulong sa kanya. Naglaway ang tigre at naglakad paikot sa lalaki.
“Sandali!” hindi ba nangako ka sa akin na hindi mo ako sasaktan? Ito ba ang paraan mo ng pagpapasalamat at pagtanaw ng utang na loob?” sumbat ng lalaki sa tigre.
Wala na akong pakialam sa pangakong iyan dahil nagugutom ako! Hindi ako kumain nang ilang araw!” tugon ng tigre.
“Sandali! Sandali!” Ang pakiusap ng lalaki. “Tanungin natin ang puno ng Pino kung tama bang kainin mo ako.”
“Sige,” ang wika ng tigre. “Pero pagkatapos natin siyang tanungin, kakainin na kita. Gutom na gutom na ako.”
Ipinaliwanag ng tigre at ng lalaki sa puno ng Pino ang nangyari.
“Anong alam ng tao sa pagtanaw ng utang na loob?” tanong ng puno ng Pino. “Bakit ang mga dahon at sanga namin ang kinukuha ninyo upang mapainit ang inyong mga tahanan at maluto ang inyong pagkain? Mga taon ang ibinibilang namin upang lumaki. Kapag kami’y malaki na pinuputol ninyo kami. Ginagamit ninyo kami sa pagtatayo ng inyong mga bahay at pagpapagawa ng inyong mga kasangkapan. At isa pa, tao rin ang humukay ng butas na iyan. Utang na loob! Huwag ka nang mag dalawang isip, Tigre. Sige pawiin mo ang iyong gutom.”
“O, anong masasabi mo doon?” Tanong ng tigre habang nananakam at nginungusuan ang lalaki.
Sa mga sandaling iyon ay dumaan ang isang baka, “Hintay! Hintay!” pakiusap ng lalaki. “Tanungin natin ang baka sa kanyang hatol.”
Sumang-ayon ang tigre at ipnaliwanag nila sa baka ang nangyari. Hiniling ng dalawa ang opinyon ng baka.
“Sa ganang akin, walang duda sa kung ano ang dapat gawin,” wika ng baka sa tigre, “dapat mo siyang kainin! Tingnan mo, mula nang kami ay maisilang naglilingkod na kami sa mga tao. Kaming mga baka ang nagbubuhat ng mabibigat nilang dalahin. Inaararo namin ang bukid upang makapagtanim sila. Subalit, ano ang ginagawa nila kapag kami ay tumanda na...pinapatay kami at ginagawang pagkain! Ginagamit nila ang aming balat sa paggawa ng kung anu-anong bagay. Kaya huwag mo akong tanungin tungkol sa pagtanaw ng utang na loob. Kainin mo na ang taong iyan.”
“Tingnan mo, lahat sila ay sumasang-ayon sa akin. Kaya humanda ka na sa iyong kamatayan!” Wika ng tigre habang bumubuwelo upang sakmalin ang lalaki.
Alam na ng lalaki na ito na nga ang kanyang katapusan. Nang biglang dumating ang lumulukso-luksong kuneho.
“Sandali! Tigre! Sandali!” sigaw ng lalaki.
“Ano na naman!” singhal ng tigre.
“Pakiusap bigyan mo pa ako ng isa pang pagkakataon. Tanungin natin ang kuneho para sa kanyang hatol kung dapat mo ba akong kainin.”
Ah! Walang kuwenta! Alam mo ang sagot niya. Pareho lang sa sagot ng puno ng Pino at ng baka.”
“Pakiusap, parang awa mo na!” pagsusumamo ng lalaki.
“O sige, pero huli na ito. Gutom na gutom na ako!” sagot ng tigre.
Isinalaysay ng tigre at ng lalaki ang nangyari, matamang nakinig ang kuneho. Ipinikit ang kanyang mga mata at ipinagalaw ang kanyang mahabang tainga. Pagkalipas ng ilang sandali, muli niyang idinilat ang kanyang mga mata. Malumanay at walang ligoy na nagsalita ang kuneho. “Naiintindihan ko ang iyong isinalaysay. Subalit kung ako ang magpapasya at magbibigay ng mahusay na hatol dapat tayong magtungo sa hukay. Muli ninyong isasalaysay sa akin ang nangyari. Ituro ninyo sa akin ang daan patungo doon,” wika ng kuneho.
Itinuro ng tigre at ng lalaki ang hukay sa kuneho. “Tingnan natin, sabi mo nahulog ka sa hukay at ikaw naman ay nakatayo dito sa itaas,” wika ng kuneho sa tigre at sa lalaki. “ pumunta kayo sa mga posisyon ninyo noon, upang mapag-isipan ko pang mabuti ang aking hatol.”
Tumalon agad ang tigre nang hindi nag-iisip. Ang nais lamang niya ay matapos agad ang usapan nang makain na niya ang tao. “Ah! Ganito ang kalagayan ninyo noon. Ikaw , tigre ay nahulog sa hukay at hindi makaahon. Ikaw naman lalaki, narinig mo ang paghingi ng saklolo kaya tinulungan mo ang tigre. Ngayon maaari na akong magbigay ng hatol. Ang problemang ito ay nagsimula nang tulungan ng tao ang tigreng makalabas sa hukay,” paliwanag ng kuneho na tila may ibang kausap. “Sa ibang salita, kung ang tao ay hindi nagpakita ng kabutihan at iniwan ang tigre sa hukay, walang naging problema. Kaya naisip ko na magpatuloy ang tao sa kanyang paglalakbay at dapat na manatili ang tigre sa hukay. Magandang umaga sa inyong dalawa! Wika ng matalinong kuneho at nagpatuloy sa kanyang paglukso.
ANG KALIGIRANG PANGKASAYSAYAN NG PABULA SA KOREA
Ang mga hayop ay hindi lamang mga nilikhang gumagala sa kapatagan at kabundukan. Ang mga ito ay may simbolong ugnayan sa bansa at sa mga mamamayan nito. Sa Korea, mahalaga ang ginagampanan ng mga hayop sa kanilang mitolohiya at kuwentong bayan. Ayon sa kanilang paniniwala, noong unang panahon daw ay may isang tigre at oso na nagnanais na maging tao. Nang bumaba sa lupa ang kanilang diyos na si Hwanin (diyos ng kalangitan) ay humiling ang isang tigre at isang oso na maging tao. Ang sabi ni Hwanin ay magkulong sa kuweba ang dalawa sa loob ng 100 araw. Dahil sa marubdob na pagnanasang maging tao ay sumunod sa ipinag-uutos ang dalawa. Pagkalipas lamang ng ilang araw ay agad ding lumabas ang tigre subalit nanatili sa loob ng kuweba ang oso. Pagkalipas ng 100 araw ay may isang napakagandang babae ang lumabas ng kuweba. Ang babae ay natuwa sa kanyang itsura at kinausap muli si Hwanin. Nagpasalamat siya sa diyos at muling humiling na sana ay magkaroon siya ng anak. Pinababa sa lupa ng diyos ang kanyang anak na si Hwanung (anak ng diyos ng kalangitan) at ipinakasal sa babae. Sila’y nagkaanak at pinangalanang Dangun. Si Dangun ay naging hari. Pinaniniwalaang dito nagsimula ang pagkakaroon ng simbolong hayop ang iba’t ibang dynasty sa Korea.
ANO ANG PABULA?
Ang pabula ay isa sa mga sinaunang panitikan sa daigdig. Noong ika-5 at ika-6 na siglo bago si Kristo, may itinuturing nang pabula ang mga taga-India. Ang karaniwang paksa ng mga pabula ay tungkol sa buhay ng itinuturing na dakilang tao ng mga sinaunang Hindu, si Kasyapa.
Lalong napatanyag ang mga ganitong kuwento sa Gresya. Si Aesop ang tinaguriang “Ama ng mga Sinaunang Pabula” dahil sa napabantog niyang aklat, ang Aesop’s Fable.
Ang pabula ay isang maikling kuwentong kathang-isip lamang. karaniwang isinasalaysay sa mga kabataan para aliwin gayun din ang magbigay ng pangaral. Ang mga tauhan ng kuwento ay pawang mga hayop. Mga hayop na kumakatawan o sumasagisag sa mga katangian o pag-uugali ng tao. Ang ahas halimbawa ay karaniwan nang nangangahulugan ng isang taong taksil. Ang pagong, makupad. Ang kalabaw, matiyaga. Ang palaka, mayabang. Ang unggoy o matsing, isang tuso. Ang aso, matapat. Marami pang hayop ang may ibang pagpapakahulugan. Sa mga bagay naman, ang rosas ay kumakatawan sa babae at sa pag-ibig. Ang bubuyog sa isang mapaglarong manliligaw.
Itinuturo ng pabula ang tama, patas, makatarungan, at makataong ugali at pakikitungo sa ating kapwa. Ang mga pabula ay lumaganap dahil sa magagandang aral sa buhay na ibinibigay nito.
Narito naman ang pabula na nanggaling sa atin. Ito'y pinamagatang "Nagkamali ng Utos"
NAGKAMALI NG UTOS
Sa malayong kaharian ng mga tutubi ay may naninirahang isang prinsesang tutubi. Siya’y bugtong na anak nina Haring Tubino at Reyna Tubina ng kahariang Matutubina. Mahal na mahal ng hari at reyna ang anak nila. Sinasabing ipaglalaban ng buong kaharian ang anumang kaapihan ni Prinsesa Tutubi.
Si Prinsesa Tutubi ay mahilig mamasyal at magpalipad-lipad sa papawirin. Lagi niyang kasa-kasama ang kanyang mga piling dama at mga tagasubaybay na mangyari pa ay pawang mga tutubi rin.
Isang araw, naisipan niyang lumipad patungo sa labas ng kaharian. Ibig niyang alamin kung ano ang daigdig sa labas ng kanilang kaharian. Tumakas siya sa kanyang mga dama at tagasubaybay. Mag-isa niyang nilakbay ang malawak na papawirin.
Maligayang-maligaya si Prinsesa Tutubi. Umaawit-awit pa siya sa kanyang paglipad. Wiling-wili siya sa lahat ng kanyang nakikita. Totoong nalibang si Prinsesa Tutubi at hindi niya napansin ang pamumuo ng maiitim na ulap sa papawirin.
Huli na nang ito ay mapuna ni Prinsesa Tutubi. Mabilis man siyang lumipad pabalik sa kaharian ay inabutan din siya ng malakas na ulan.
“Titigil muna ako sa punong kahoy na ito.” Ang sabi sa sarili ng prinsesa.
Ngunit sa punong kahoy pala namang iyon ay maraming mga matsing. Pinaalis nilang pilit ang nakasilong na tutubi. Bawat dapuang sanga ni Prinsesa Tutubi ay niyuyugyog ng mga matsing. Hindi lamang iyon. Pinagtawanan pa nila ang prinsesa
“Kra-kra-kra! Nakakatawa. Malaki pa sa kanyang tuhod ang kanyang mga mata,” ang malakas na sabi ng isa. Sinundan ito ng malakas na hagikgikan ng mga matsing.
Sa laki ng galit ni Prinsesa Tutubi umuulan pa ay umalis na siya sa punong kahoy na iyon at lumipad pauwi sa palasyo. Tuloy-tuloy siya sa silid ng kanyang amang hari. Kanyang isinumbong kay HaringTubino ang mga matsing. Laking galit ng hari. Nagpatawag agad ang hari ng isang kawal.
“Pumunta ka ngayon din sa kaharian ng mga matsing,” ang utos niya sa kawal. “Sabihin mong dahil sa ginawa nila sa aking anak na prinsesa, gusto kong hamunin ang kaharian ng mga matsing sa isang labanan.”
Mabilis na lumipad ang inatasang kawal. Pagdapo niya sa kaharian ng mga matsing ay walang paligoy-ligoy niyang sinabi ang kanyang pakay, malakas na tawanan ng mga matsing ang naging sagot sa pahayag ng kawal na tutubi.
“Mga tutubi laban sa mga matsing! Ha-ha-ha!” muling nagtawanan ang mga matsing. “Nakakatawa, ngunit pagbibigyan naming ang iyong hari,” ang sabi ng pinuno. “ang mga matsing laban sa tutubi!” nagtawanan muli ang mga matsing.
“Kailan at saan gaganapin ang labanan?” ang tanong ng pinuno.
“Bukas ng umaga sa gitna ng parang! Ang tugon ng kawal.
“Magaling ! Bukas ng umaga sa gitna ng parang, kung gayon, ang masiglang pag-ulit ng matsing sa sinabi ng tutubi.
Bumalik sa kanilang kaharian ang kawal na tutubi at ibinalita sa Haring Tubino ang naging katugunan ng mga matsing.
Kinabukasan naroroon na sa isang panig ng parang ang hukbo ng mga matsing. Anong daming matsing. Waring ang buong kamatsingan ay naroroon at pawang sandatahan. Bawat isa ay may dalang putol na kahoy na pamukpok.
Nasa kabilang panig naman ng parang ang makapal na hukbo ng mga manllilipad na tutubi.
“kailangang pukpukin ninyo ang bawat makitang tutubi,” ang malakas na utos ng haring matsing.
Sa kabilang dako naman ay ibinigay na rin ng pinuno ng mga tutubi ang kanyang utos. “Dapat nating ipaghiganti ang kaapihan ng Prinsesa Tubina. Kailangang magbayad ang mga matsing. Dumapo sa ulo ng mga matsing. Kapag may panganib ay dagling lumipad,” ang malinaw at marahan niyang utos.
Nagsalubong sa gitna ng parang ang mga manlilipad na tutubi at ang hukbo ng sandatahang matsing. Buong-buo ang pagtitiwala ng mga sandatahang matsing sa kanilang sandatang pamukpok. Matatapang din namang sumunod ang mga kawal na tutubi palibhasa ay nais nilang ipaghiganti ang kaapihan ng prinsesa at ng buong kahariang Matutubina.
Nagsimula ang labanan. Dapo at lipad, dapo at lipad ang mga tutubi. Pukpok dito, pukpok doon naman ang mga matsing. Kung tatanawin buhat sa malayo ang labanan, ay wari bang matsing laban sa matsing. Nakita ng pinuno ng mga matsing pangyayari. Nagkamali siya ng utos. Hindi nalaman agad na sa ulo pala ng kanyang mga kawal darapo ang maliliksing tutubi. Babaguhin sana niya ang kanyang utos, subalit huli na ang lahat. Isang kawal na matsing ang pilit na pinukpok pa ang tutubi sa ulo ng pinunong matsing. Kaya’t nang matapos ang labanan ay nakabulagtang lahat ang mga matsing. Samantala walang sinumang tinamaan sa mga mabibilis umiwas at lumipad na mga tutubi. Naipaghiganti nila ang pagkaapi ng kanilang prinsesa at ng buong kahariang Matutubina.
Pagkatapos naming mabasa at matalakay ang dalawang akda. Dumiretso na kami sa pagtalakay ng Modal.
MODAL
Ang modal ay tinatawag na malapandiwa? Ginagamit ang mga ito na pantulong sa pandiwang
tulad ng pandiwa. Ang mga modal ay mga pandiwang hindi nagbabago, limitado kapag
binanghay, o walang aspekto.
Mga Halimbawa: ibig, nais, gusto, kailangan
Gamit ng modal:
1. Bilang malapandiwa
Gusto niyang makaahon sa hukay.
Ibig ng puno at ng baka na kainin ng tigre ang tao.
(Ang gusto at ibig ay ginamit bilang malapandiwa subalit di tulad
ng ganap na pandiwa wala itong aspekto.)
2. Bilang panuring na may kahulugang tulad ng pandiwa
Gusto niyang maglakbay muli.
(Ang salitang gusto ay nagbibigay turing sa salitang maglakbay
na isang pandiwang nasa anyong pawatas.)
Ibig ng kuneho na makita ang hukay kung saan nahulog ang tigre.
(Ang salitang ibig ay modal na nagbibigay turing sa salitang
makita na isang pawatas.)
Narito ang mga uri:
1. Nagsasaad ng pagnanasa, paghahangad, at pagkagusto
Mga Halimbawa: Gusto kong mamitas ng bayabas.
Ibig kong matupad mo ang iyong pangarap sa buhay.
2. Sapilitang pagpapatupad
Halimbawa: Dapat sundin ang sampung utos ng Panginoon.
3. Hinihinging mangyari
Halimbawa: Kailangan mong magpursigi sa iyong pag-aaral.
4. Nagsasaad ng posibilidad
Halimbawa: Maaari ka bang makausap mamaya?
Puwede kang umasenso sa buhay.
PAGNINILAY
This is Super Duper Ultra mega Helpful :D Thanks for this!
TumugonBurahinReally? I never thought that this is a Korea parable. BTW, Im a kpopper also ^^,
TumugonBurahinFable not parable. Parable is a simple story used to illustrate a moral or spiritual lesson, as told by Jesus in the Gospels.
BurahinTanga ampt xD
BurahinPaghambingin ang pagkakatulad at pagkakaiba ng katangian ng hari ng tutubi sa pabulang Nagkamali ng Utos at ang kuneho sa Ang Hatol ng Kuneho.
TumugonBurahinKamsahmida !!!
TumugonBurahin