Ngayong Linggong ito, opisyal na naming nasimulan ang pagtalakay sa nobelang Noli Me Tangere. Sa palagay ko ay mas mahihirapan ako ngayong markahang ito kaysa noong mga nakaraang Markahan. Dahil inaamin ko sa aking sarili na hindi ako masyadong nakakapagbasa sa nobelang ito sapagkat wala naman akong libro nito, tanging El Filibusterismo lamang ang mayroon ako...
Kaya naman naging malaking tulong ang pagtalakay sa Kaligirang Pangkasaysayan nito. Namahagi si Gng. Mixto ng kopya ng isang babasahin at amin itong binasa at tinalakay. Nagkaroon kami ng pagsasanay tungkol dito at may kintawan ang bawat grupo para magsagot.
Sa sumunod na araw, nagkaroon kami ng Pangkatan. Pag-aaralan ng mga pangkat ang mga napuntang akda sa kanila at tatalakayin kung ano ang kaugnayan nito sa buhay ni Rizal. Ang mga akdang ito ay Sa aking mga Kababata; Ang Gamu-Gamo at si Jose Rizal; Tsinelas at ang buod ng Noli Me Tangere. Pagkatapos ng Pangkatan, nagkaroon ng Debate sa kung dapat ba o hindi dapat ginamit ni Rizal ang kanyang panulat sa kapakanan ng Bayan?
Para sa akin, mas lamang pa rin ang dapat kaysa di-dapat. Dahil sa kanyang pagsusulat, namulat ang ating Bayan sa katotohanan. Ginamit niya ang kanyang talino para tulungan ang ating mamamayan. Hindi siya naging makasarili, hindi siya naging maramot. Alam niyang mapapahamak siya sa ginawa niyang iyon, ngunit nanalaytay pa rin sa puso't isip niya na may kailangan pa siyang iligtas, may kailangan pa siyang tulungan! Kahit ibinuwis niya ang kanyang buhay dahil lang sa kanyang pagsusulat. Ang kamatayan niya naman ay isang karangalan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento