Manigong Bagong Taon sa inyong lahat! Isang taon na naman ang lumipas! Mabuti at kumpleto pa rin ang mga galamay namin sa kamay at walang naputukan sa aking mga kaklase :) Para sa Linggong ito, naninibago pa ako noong mga unang araw, ngunit bumalik din naman ang sigla ko sa pag-aaral noong mga huling araw na. Mabuti nga at may isang Linggo pa bago ang pagsusulit sa ikatlong markahan, dahil kung hindi, hindi ko na lang alam kung makakakuha ba ako ng mataas sa marka ;)
Noong Martes, kami ay dumako na sa Aralin 4. Matatalakay dito ang mga bansang Saudi at Israel. Nagtanong muna si Gng. Mixto ng tungkol sa mga nalalaman namin dito. Kaunti lamang ang sumagot. Maaaring nagloload pa ang aming mga utak sa pagkakataong iyon. Sa aralin apat aming tinalakay ang patungkol sa sanaysay. Ngayon ay nagbabalik-aral na lamang kami dahil pinaaralan na namin ito noong nakaraang markahan. Nang magtanong si Gng. Mixto kung ano nga ba ang sanaysay, ilan lamang ang nakasagot. Bukod pa riyan, ang bago kong natutunan ngayon ay ang mga elemento ng sanaysay, ito ang paksa, tono, at kaisipan. May ibinigay na takdang aralin si Gng. Mixto sa amin. ito ang manunuod kami ng isang documentary sa youtube at sasagutin ang mga katanungan na ibinigay niya sa amin.
Ngayong Miyerkules naman, ipinagpatuloy na namin ang aming talakayan tungkol pa rin sa sanaysay. Pagkatapos ay tumawag si Gng. Mixto ng pwedeng magbahagi ng mga gawa nila base sa napanood na documentary. Ang napanood kong documentary ay tungkol sa pinakamadumi at nakakadiring trabaho ng isang Pilipino. Ang pinaka-ayaw ko rito ay ang maglinis ng portalet na toilet. pinagsama-samang dumi iyon ng tao, bukod sa mabaho ay masusuka ka pa. Pero kahanga-hanga ang ipinakita ng isa nating kababayan, sinabi niya pa nga na mahal na mahal niya ang trabahong iyon dahil isang malaking karangalan ang makitang malinis na ang mga ito. Mas mabuti ang madumihan ang mga kamay mo sa trabahong marangal kaysa naman sa madumihan ito dahil sa nakaw. Para sa akin iyon ang punto ng aking napanood. Pagkatapos ay ninigyan kami ni Gng. Mixto ng takdang aralin. Sinabi niya rin na magkaroon kami ng kopya ng Isang Libo't isang gabi.
Sa sumunod na araw, wala si Gng. Mixto, kaya naman si Bb. Basbas ang humawak sa klase namin. Nagpaskil siya ng biswal sa pisara at sinabihan kaming kopyahin ito sa aming kwaderno. May iba pang isinulat si Bb. Basbas sa pisara at kinopya din namin ito. Tinapos na lamang namin ang oras ng Filipino at naghintay para sa susunod na asignatura.
Sa huling araw, kami ay nagkaroon ng Unit Test. Nakibahagi na lamang kami sa aming mga katabi dahil kulang ang kopya nito. Hindi naman ito mahirap, ngunit may ilang bilang dito na nakakalito Tsinekan din namin ang aming mga papel at alam kong nagkamali ako sa mga bilang nga na nakalilito :) Iyon lamang ang aking repleksyon para sa Linggong ito.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento